Balik-serbisyo na kahapon ang tatlong istasyon ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) na matatandaang unang isinara noong Oktubre 2019 matapos na masunog ang power rectifier na nagsusuplay ng kuryente sa mga tren.
Sa pahayag ng Department of Transportation (DOTr), inabisuhan sila ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na nagsimula nang mag-operate ang Santolan, Katipunan, at Anonas Stations ng LRT-2 kahapon ng umaga.
Sinabi ni LRTA Administrator Reynaldo Berroya na matapos ang lahat ng kaukulang pagsusuri na isinagawa nila na nagkukumpirma sa ‘stability at reliability’ ng provisional power supply, ay saka sila nagdesisyon na buksan na muli sa publiko ang mga naturang istasyon ng LRT-2.
Ani Berroya, ang Safety and Security Division, Engineering, Contractor, at Consultants ng LRTA ang nagrekomenda sa muling pagbubukas ng naturang tatlong istasyon ng LRT-2.
Matatandaang isinara noong huling bahagi ng 2019 ang naturang tatlong istasyon ng tren matapos na masunog ang power rectifier ng linya nito sa Katipunan na siyang nagsusuplay ng kuryente sa mga tren.
Ang LRT-2 ang siyang nagdudugtong sa Santolan, Pasig City at Claro M. Recto Avenue, Maynila.
-Mary Ann Santiago