Pormal na binuksan kamakailan sa publiko ang Sky 3. Ito iyong kalsadang nasa itaas ng highway sa ibaba, mula sa Buendia Ave., Makati City, galing sa South Luzon Express Way (SLEX) patungo sa North Luzon Express Way (NLEX) sa Balintawak, Quezon City. Ipinagdugtong nito ang biyahe mula SLEX at NLEX (vice versa) na may distansyang 18.83 kilometro. Pinasinayaan ang pagbubukas sa pangunguna ni Pangulong Rodrigo Duterte at contractor San Miguel Corporation chairman Ramon S. Ang. Ang dalawa ay binigyan ng pagkakataong magsalita sa maikling programang ginanap sa okasyong ito. Ginawang plataporma ito ng pangulo para ikampanya ang kanyang term-extension at ang kandidatura ng kanyang anak na si Mayor Sara Duterte Morales ng Davao City. Nasabi ko ito kasi inihayag ng Pangulo na wala siyang interes na namalagi sa pwesto kahit ibigay sa kanya ito in a silver platter. Kaya, itinanggi niya na may kaugnayan siya sa isinusulong ngayon ng Kamara na baguhin ang Saligang Batas. Sinabi rin ng Pangulo na papayuhan niya ang kanyang anak na huwag nang tumakbo sa pagka-pangulo ng bansa dahil hindi ito para sa babe. Ayaw ko, aniya, na maraanan niya ang hirap na kanyang dinaanan.
Sa negatibong paraan ipinaabot ni Pangulong Duterte sa taumbayan ang interes niyang kumandidato sa pagka-pangulo noong nakaraang presidential election. Ipinagkatanggi-tanggi niya na siya ay tatakbo na ginaya rin ni Bong go nang ito ay kumandidato sa pagka-senador. Ito ang kanilang ginawang paraan para makakuha ng media mileage bukod sa istilong testing the water. Bakit hindi sasamantalahin ni Pangulong Duterte ang pasinaya ng pagbubukas ng Sky 3 sa publiko para sa kanyang layunin, eh para sa kanya, ito ay proyektong maipagmamalaking ginawa ng kanyang administrasyon. Sa pulitikong kauri ng Pangulo, manghihinayang siyang hindi magamit ito at iba pang proyekto sa kanyang Build, Build, Build Program para isulong ang kanyang pansariling inters. Mahirap niyang tanggapin na iba ang makinabang nito. Lalo na ngayon na may survey organization na pinalolobo ang kanyang ego. Sukat ba namang ilabas ng Pulse Asia na 91 porsyento ang kanyang trust rating at sa survey pang ginawa nito, ang kanyang anak na si Mayor Sara ang nangunguna na nais ng mamamayan na maging kandidato sa pagkapangulo.
Pero, ang nakita ng mga negosyante na dapat makinabang sa proyekto ay ang gumawa nito. Maraming negosyante ang nagtutulak kay Ramon Ang o RSA na tumakbo bilang Pangulo ng bansa sa 2022 election. Dahil sa ngayon, ayaw niya ang pulitika, malaking bagay ang kanyang babasbasan. Ang kanyang gabay ay ang magtataguyod ng interes ng mga negosyanteng na sasagip sa ekonomiya ng bansa upang mahango ito at ang kanyang mamamayan sa kahirapan.
-Ric Valmonte