Itinaas ang watawat ng Bangsamoro kasabay ng watawat ng Pilipinas sa Bangsamoro Government Center sa Cotabato City nitong Lunes upang opisyal na simulan ang pagdiriwang ng anibersaryo ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
“Here we are, hoisting the Bangsamoro flag next to the Philippine flag for the first time ever,” sinabi ni BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim.
Ang mga ritwal ng pagtaas ng watawat ay nagtataglay ng malaking kahalagahan para sa maraming nakakita sa dalawang watawat na itinaas ng magkakalabang pwersa sa labanan na nangingibabaw sa karamihan ng Mindanao sa mga taon bago itatag ang Bangsamoro Autonomous Region noong 2019.
”We can now proudly say that we have achieved genuine autonomy that encapsulates the long history of the Bangsamoro people – our sacrifices and our shared vision for the next generation,” sinabi ni Ebrahim.
Ang pagtaas ng dalawang watawat na magkatabi ay sabay na ginanap sa ibang bahagi ng BARMM, kasama na ang Isabela at Basilan, anim na bayan sa Lanao del Norte, at 39 na mga barangay sa Cotabato.
Ang mga mamamayang Moro ng Mindanao ay mayroong katangian na hindi kailanman sumuko sa mga kolonyal na puwersa na naghahangad na sakupin ang Mindanao sa loob ng tatlong siglo ng kolonyal na pamamahala ng Spain at administrasyong militar ng Amerika. Ang iba’t ibang puwersa ng Moro - lalo na ang Moro National Liberation Front (MNLF) at ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) - ay nakipaglaban sa mga puwersa ng gobyerno sa Mindanao sa mga dekada.
Ang mga pag-uusap sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at MILF ay humantong sa pagpirma ng isang Framework Agreement on the Bangsamoro noong 2012 at itinatag ni Pangulong Benigno Aquino III ang Bangsamoro Transition Commission upang buuin ang Bangsamoro Basic Law (BBL). Isinumite niya ang draft sa Kongreso noong 2014, ngunit ang sagupaan sa Mamasapano noong 2015 kung saan 44 na mga tauhan ng Special Action Force ng Philippine National Police ang pinatay kasama ang 18 MILF at limang tauhan ng BIFF ang nagpaurong sapag-apruba ng BBL sa Kongreso.
Matapos maihalal si Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 ay sa wakas ay naaprubahan ng Kongreso ang Bangsamoro Organic Law noong 2018. Ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ay tuluyang itinatag noong Pebrero, 2019.
Ang seremonya ng pagtaas ng bandila noong nakaraang Lunes ay sinundan ng simbolikong paglilipat ng 100,000 armchair sa mga paaralan sa BARMM, pamamahagi ng relief goods at wheelchair, paglulunsad ng regional disaster vehicles and equipment, paglagda ng kasunduan sa mga yunit ng pamahalaang lokal para sa mga proyekto sa imprastraktura, tulong sa mahihirap na mag-aaral, at paglikha ng isang programa para sa tulong pangkabuhayan sa 10,000 Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na bumalik sa batas ng lipunan.
Ang pamahalaang panrehiyon ang nagpapatupad ng mga programa para sa iba`t ibang nasasakupan. Ngunit ang pinakamahalaga sa lahat ay ang pagtaas ng panrehiyong watawat ng Bangsamoro na kasabay ng pambansang watawat ng Pilipinas, sapagkat, higit sa anupaman sa araw na iyon, binigyang diin nito ang pagtatapos ng mahabang taon ng karahasan at hidwaan sa bahaging iyon ng ating bansa.