Maraming mga mamimili ang umaaray na dahil nananatiling mataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa mga public market sa Metro Manila.
Base sa price monitoring ng Department of Agriculture (DA), P380 ang bawat kilo ng karneng baka, P400 sa baboy habang nasa P180 ang kada kilo ng manok sa maraming pamilihan tulad ng Mega QMart sa Edsa, Quezon City, Guadalupe Market sa Makati City, San Andres Market sa Maynila, Kamuning Public Market at Commonwealth Market sa Quezon City.
Mataas din ang presyo ng mga gulay sa mga nabanggit na pamilihan kung saan ang talong ay pumapalo sa P120-P180 ang kada kilo, kalabasa P90-P120 ang kada kilo, sitaw P80 ang kada kilo, pechay P140-P180 ang kada kilo. Nananatiling mataas din ang presyo ng sibuyas at bawang na kapwa nasa P100 ang kada kilo, luya P140-P160 ang kada kilo at siling labuyo na nasa P800-P900 ang bawat kilo.
Sinabi ni Agriculture Undersecretary Kristine Evangelista, ang kawalan ng matatag na suplay ng pagkain ang dahilan kung bakit mataas ang presyo sa ilang pamilihan.
Apektado kasi ng malamig na panahon ang suplay ng gulay sa mga probinsya tulad ng Benguet, Laguna, Nueva Ecija, Pangasinan, La Union, at maging Bicol Region.
Bukod pa ito sa epekto ng nagdaang mga bagyo kung kayat hirap ang mga magsasaka na muling makabangon.
Para maibsan ang mataas na presyo ng mga bilihin sa Metro Manila, dinagdagan pa ng DA ang Kadiwa at Ani ng ahensya na umiikot sa mga pamilihan na magbebenta ng mga murang produktong agrikulura.
-Beth Camia