Hindi maihayag ng gobyerno ang eksaktong presyo ng mga bakunang coronavirus na na-secure nito mula sa suppliers ngunit tiniyak sa bansa na walang non-disclosure agreement “magic” o anomalya sa mga pagsisikap sa pagkuha, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes.
Sa isang pahayag sa telebisyon, ipinaliwanag ng Pangulo na ang non-disclosure agreement (NDA) ay palaging kasama sa paunang kontrata na pinirmahan sa mga kumpanya tulad ng gumagawa ng bakuna.
“Nandito sa table ko, manufacturers ito. Every negotiation ibang agreement na naman ‘yan. It does not involve money but one thing is certain: you cannot divulge the contract price agreed upon,” aniya.
Sinabi din ni Duterte na ang paglagda ng isang confidentiality clause sa isang supply agreement ay isang industry practice. Sinabi niya na ang presyo ng bakuna ay hindi maipakita dahil ang manufacturer ay nakikipagnegosasyon din sa ibang mga bansa na nakikipag-agawang bumili. Sa kasalukuyan ay nananaig ang batas ng supply at demand sa pagtiyak ng supply ng bakuna sa buong mundo.
“They cannot reveal the price kasi it will result malugi ‘yung iba. In some countries, malugi sila. Hindi pare-pareho. Gusto nila halos magkadikit-dikit,” wika niya. Pinawi rin ng Pangulo ang hinala sa anumang iregularidad sa pagbili ng bakuna ng gobyerno. “Walang magic diyan,” aniya.
Nag-alok pa siya sa “doubting Thomases” na hawakan ang mga plano sa bakuna kung nais nila.
“I don’t know why are you so occupied sa mga corruption. Now, maghanap kayo hindi dito, baka sa inyo. Baka sa departamento ninyo, hindi dito sa akin,” aniya.
Sinabi rin ni Duterte na magiging pinal lamang ang supply deal sa bakuna matapos nilang suriin at aprubahan ang panukala ni Finance Secretary Carlos Dominguez.
“The pricing and the paper will not be final until it is reviewed by the Secretary of Finance, kasi siya ang magbayad, pati ako,” sinabi ni Duterte.
Nakatipid ng $700M
Sinabi naman ni Vaccine czar Carlito Galvez Jr. nitong Lunes na nagawa ng gobyerno na makatipid ng $700 milyon sa negosasyon para sa supply ng 148 milyong dosis ng bakuna mula sa orihinal na 70 milyon sa presyong “almost no profit”.
“Maipapangako ko po sa ating mga mahal na kababayan na ang lahat ng mga negosasyon at cost, meaning, almost no profit. And then noong kinompute ko po lahat ‘yung ano, ‘yung mga brands, lumalabas po na naka-save po tayo ng 700 million dollars,” sinabi ni Galvez sa pagpupulong.
Bilang resulta ng pagbebenta sa presyo ng gastos, nabanggit ni Galvez na ang gobyerno ay nakakabili ng maraming dosis ng mga bakuna mula sa mga suppliers.
“‘Yung kanyang offer price, naibaba po natin ng halos kalahati. So kaya po ang nangyari po, iyong dati po natin, ‘yung plano po namin ni Secretary Duque na 70 million doses umangat po, Mr. President, ng 148 million doses,” sinabi niya.
Tiniyak din ni Galvez na ang mga kasunduan ay “clean.”
‘Wag pansining ang Kongreso
Sinabi rin ng Pangulo na dapat ipagpatuloy ni Galvez Jr. ang “game plan” ng gobyerno sa pagkuha ng mga bakunang coronavirus anuman ang nagpapatuloy na pagtatanong sa kongreso.
“I’m telling now General Galvez ‘yung game plan niya sundin niya. With or without the investigation, proceed and implement what we planned to do kasi pinagpaguran mo ‘yan,” sinabi niya sa kanyang televised address.
“Never mind about the investigation kasi mas lalong matagalan tayo kung nandiyan na ‘yung bakuna magdating na,” aniyq. Sa ngayon ang gobyerno ay nakakuha na ng 25 milyong dosis ng bakuna mula sa Sinovac ng China na may paunang 50,000 na inaasahang maihahatid sa isang buwan. Isang karagdagang 30 milyong dosis ng bakuna mula sa Serum Institute of India ang na-secure din ng gobyerno.
Gayunpaman, kinuwestyon ng ilang mga mambabatas ang hinihinalang preference ng gobyerno sa mga bakunang ginawa ng Chinese, na nagtataas ng mga alalahanin tungkol sa kanilang gastos at pagiging epektibo.
Plano ng gobyerno na mag-alok ng mga libreng pagbabakuna una sa mga manggagawa sa kalusugan, matatanda, mahihirap na mamamayan, at unipormeng tauhan.
Hospitals bumili kayo
Samantala ang mga ospital at mayaman na tao ay maaaring makakuha ng kanilang sariling supply ng bakuna sa coronavirus basta’t ang mga ito ay makakuha ng pag-apruba mula sa mga awtoridad sa kalusugan ng bansa, idineklara ni Duterte.
“We are not selling, we are buying for the people, libre,” sinabi niya tungkol sa pagbili ng gobyerno ng mga bakuna mula sa iba’t ibang manufacturers abroad.
“Ngayon, kung kayong mga hospital, mga doktor o kung mayaman, gusto ninyong magbili ng inyo, go ahead. Do not wait for us. If you have the money, buy it. But dumaan ka lang sa FDA (Food and Drug Administration),” dagdag niya.
Sinabi niya na ang mga bibili ng bakuna ay dapat ding makakuha ng pag-apruba ni Health Secretary Francisco Duque III, hindi ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. “Hindi na dito kay Secretary Galvez. Huwag na sa kanya. Doon kayo sa FDA and finally doon sa Secretary of Health. Iyong pirma ng pinakamataas, importante ‘yan. Iyan ang totoo diyan. So make no mistake about it,” dagdag niya.
Pfizer para sa mga senador
Sarkastikong inalok ni Pangulong Duterte ang pagbili ng mga bakuna sa Pfizer para sa mga senador na lumitaw na pinapaboran ang gamot na binuo ng isang kumpanyang Amerika kaysa sa bakunang ginawa ng Sinovac ng China.
“Gusto ninyong Pfizer, kayong mga senador, in Norway, 25 persons died after receiving Pfizer vaccination. Gusto ninyo? Mag-order kami para sa inyo. Iyon ang gusto ninyo paulit-ulit,” aniya.
“Lahat kayo you apparently… Mas bilib kayo sa… (Pfizer),” sinabi niya, binanggit ang pangalan ni Senator Risa Hontiveros na gustong mag-follow up ang gobyerno sa emergency use approval ng Pfizer vaccines.
“Ayaw kong ‘yung pa-off tangent na mga tirada ninyo, ‘Eh bakit ba ito si Duterte Sinovac nang Sinovac?’ Hoy, kung sino ka man ganito ‘yan. Long before na pumutok ‘to tumawag na ako kay President Xi Jinping,” sinabi niya.
“Tapos sabi ko wala kaming resources, we do not know how to make it. Please do not forget the Philippines,” dagdag niya, ginunita ang pag-uusap nila ng
Chinese leader.
Promise ni Xi
Sinabi ni Duterte na pumayag si Presideng Xi ngunit sinabi sa kanya na dapat munang mabakunahan ng China ang bilyun-bilyong mamamayan nito.
Nabanggit niya na nangako na ang China na magbibigay ng 500,000 libreng bakuna sa Pilipinas nang makapulong niya kamakailan ang isang dumadalaw na Chinese diplomat.
“I was assured as early as pag-umpisa nito, this President Xi Jinping, na hindi kita kakalimutan. I will not forget your country. So, hindi kita kakalimutan. Sabi niya, “Do not worry’,” sinabi ni Duterte.
“Nandito kahapon si Ambasador ng China, sinabi sa akin, mayroong darating, huwag kayong mag-worry,” aniya.
Sinabi ni Duterte na hanggang ngayon wala pang naiulat na pagkamatay sa paggamit ng mga bakunang ginawa ng Sinovac sa Thailand, Malaysia, Indonesia, Turkey, Egypt, United Arab Emirates, at Brazil.
-GENALYN KABILING