DALAWANG babae na ang sumasalungat ngayon sa pahayag ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na hindi nababagay o angkop sa kababaihan ang panguluhan sa Pilipinas. Sila ay sina Vice President Leni Robredo at ang anak niya, si Davao City Mayor Sara Duerte-Carpio.
Ayon sa Pangalawang Pangulo, pinahihina ng pahayag ng Pangulo ang paglaban ng bansa sa gender equality o pagkakapantay-pantay ng lahat ng kasarian sa bansa. “Hindi kami sang-ayon sa pahayag ng Pangulo (President Duterte’s remark). Para sa kanya, ang mga babae ay mababa o inferior kaya ganyan ang kanyang pahayag,” sabi ni Robredo sa lingguhang programa sa radyo.
Para naman sa matapang na alkalde ng Davao City, iyan ang opinyon ng amang Presidente, ngunit dapat hayaan ang mga mamamayan kung ano ang kanilang gusto at kapasiyahan.
Naniniwala si beautiful Leni na mahalaga ang partisipasyon ng kababaihan sa governance o pamamalakad sa pamahalaan, at ang pinakahuling anti-women comment ni PRRD ay nagpapahina sa paglaban para sa gender equality at women empowerment.
“If the President is the one making such remarks, it doesn’t help. It deflates our campaign (for gender equality). It is his responsibility to be circumspect in what he says because he is the President, he is not an ordinary person,” bigay-diin ni VP Leni.
“Hindi lang ito para kay (Davao City) Mayor Sara (Duterte-Carpio) o para sa akin, o para sa sino mang kilalang lider ng kababaihan. A leader’s view that women are inferior has an effect on all Filipino women.”
Para kay Robredo ang “best performing” nations sa panahon ng pandemic ay mga lider-kababaihan. Sa talumpati noong nakaraang linggo, sinabi ni Pres. Rody na ang presidency ay hindi trabaho na angkop sa mga babae. Sinabi niya ito patungkol sa pagkontra sa posibilidad ng pagtakbo ng anak na si Sara sa 2022. Ayaw niyang maranasan si Inday Sara ang nararanasan niyang hirap ngayon bilang pangulo kapag nahalal.
Sa pinakahuling survey ng Pulse Asia kung sino ang gusto ng mga Pilipino na kandidato sa panguluhan sa 2022, nangunguna si Duterte-Carpio. Pangalawa si Manila Mayor Isko Moreno o Yorme.
Sa naturang survey sa 2,400 respondents na ginawa noong Nobyembre 23 hanggang Disyembre 2, 2020, ika-5 lang sa hanay ni Robredo. Walong porsiyento sa respondents ang nagpahayag na iboboto siya kung ang halalan ay gagawin sa survey period.
Samantala, sinabi ng Malacañang na hahayaan nito si Mayor Duterte-Carpio na magpasiya kung pakikinggan ang payo ng amang Presidente na nagdi-discourage sa kanyang huwag tumakbo sa dahil sa bigat ng tungkulin na kaakibat ng puwesto.
Malayo pa ang 2022, pero may mga nag-isip na sa ganitong kaagang panahon. Dapat tandaan ng ating Pangulo na dalawang babae na ang naging lider ng Pilipinas--si Cory Aquino at Gloria Macapagal-Arroyo. Ibig bang sabihin ay hindi siya bilib kina Cory at Gloria?
-Bert de Guzman