KUNG sa ibang mga bansa, ang mga lider o pangulo ang unang nagpapabakuna para makuha ang tiwala ng mamamayan sa kaligtasan at bisa ng COVID-19 vaccines na ituturok sa kanila, hindi ito ganito sa Pilipinas.

Ito ay kung totoo ang balita na lumabas sa isang pahayagang English noong Biyernes na may titulong: "Rody, Cabinet to be among last to get vaccine."

Sa balita, isinasaad na payag si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na huling turukan ng bakuna upang pagbigyan o unahin ang priority groups at mga mamamayan, lalo na ang mahihirap at frontliners. "Ang mahihirap muna, ang mga walang-wala. Kapag dumating na ang vaccines, mga milyon ito, mauna na kayo. Mahuhuli na kami," at binanggit sina Sen. Bong Go at Defense Sec. Delfin Lorenzana.

Bakit biglang nagbago ng desisyon ng ating Pangulo? Hindi ba noong unang lumabas ang balita tungkol sa bakunang gawa sa Russia, ang Sputnik V, sinabi niya sa publiko na siya ang unang magpapaturok nito. Sa panig naman ng Sinovac na gawa sa kaibigan niyang China, ito raw ay mabisa at ligtas.

Kung gayon, makatwiran lang na tulad ng mga lider ng mga bansa, pangulo, prime minister, reyna, pope, pangunahan niya ang pagtuturok ng bakuna upang maniwala ang mga tao na talagang ligtas at mabisa ang Sinovac ng China o ang Sputnik V ng Russia.

Gayunman, sinabi ni presidential spokesman Harry Roque na upang mapalakas

ang tiwala ng mga tao sa vaccines para magpabakuna, willing si PRRD na unang magpaturok.

Maging si US president-elect Joe Biden ay nagpabakuna sa publiko. Kasama niyang nagpaturok ang ginang na si Jill Biden. Gayon din si Vice President-elect Kamala Harris at kanyang ginoo. Sa ngayon, mahigit na sa 10 milyong Amerikano ang nabakunahan.

oOo

Iginiit ni PRRD na wala siyang interes na palawigin ang kanyang anim-na-taong termino na magtatapos sa Hunyo 2022. Wala rin siyang balak na himukin ang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na tumakbo sa panguluhan sa susunod na taon.

Binira ng Pangulo ang mga kritiko na siya ay kumikilos upang manatili sa puwesto dahil sa pagsusulong ng mga kongresista at senador na amyendahan ang ilang probisyon sa 1987 Constitution. "My God, even if you give it in a silver platter... even if you give it to me free for another 10 years, I will tell you, ****** sa inyo na yan".

Ayon sa 75-anyos na Presidente, dini-discourage rin niya ang anak na si Sara na tumakbo sa pagka-pangulo sapagkat ang pinakamataas na puwesto sa gobyerno (panguluhan) ay hindi angkop para sa kababaihan.

Kung ganito ang paninindigan ni Mano Digong, sino kaya ang kanyang "mamanukin" sa 2022 presidential elections? Mga kaibigan at readers, sino sa palagay ninyo ang isusulong niyang kandidato bukod sa nalathala noon na gusto niya si Leyte Rep. Martin Romualdez? Posible rin kaya si Sen. Bong Go na kanyang pinagkakatiwalaan?

-Bert de Guzman