NAGSIMULA na ang panunungkulan ni dating Mandaluyong City Mayor Benjamin “Benhur” Abalos bilang chairman ng Metropolitan Manila Devlopment Authority (MMDA) nitong nakaraang Martes, na pumalit kay Danilo Lim na pumanaw nitong nakaraang linggo mula sa cardiac arrest isang linggo matapos magkaroon ng COVID-19.
Sa kanyang unang araw sa opisina, sinabi niyang titingnan niya ang programa ng MMDA sa COVID-19 bilang koordinasyon sa patuloy na pagsisikap ng bansa laban sa pandemya at gayundin sa local government units na bumuo na ng kani-kanilang indibiduwal na plano laban sa virus. Marami sa mga LGUs ang may plano nang bumili ng bakuna para sa kanilang mga nasasakupan.
Malamang na mapagtanto ni Chairman Abalos na malaking bahagi ng kaniyang atensiyon ang kakailanganin upang masolusyonan ang mga pangunahing problema ng Metro Manila bilang isang rehiyon, partikular ang transportasyon at trapik, flood control, basura at polusyon. Ang mga problemang ito sa Metro ang dahilan kung bakit din itinatag ang MMDA noong 1975, sila ang naatasan sa koordinasyon ng pagsisikap ng 17 magkakahiwalay na lokal na pamahalaan ng Metro Manila.
Sa nakalipas na mga taon, bago itinigil ng COVID-19 ang karamihan ng aktibidad ng bansa, trapik ang isa sa pinakamalaking problema, lalo na pinakaabalang daan ng Metro Manila, ang Epifanio de los Santos Ave. (EDSA). Isa itong pangunahing suliranin, na minsang ding ipinangako ni Pangulong Duterte na magiging posible nang bumiyahe sa kahabaan ng EDSA mula Ayala, Makati patungong Cubao, Quezon City, sa loob lamang ng limang minuto. Ang konstruksiyon ng dalawang pangunahing elevated highways – ang Skyway 3 na nagkokonekta sa North at South Expressways at ang naunang NLEX-C3-Port Area highway –ay nakatulong sa sitwasyon sa pagbibigay sa mga motorisra ng alternatibong ruta sa bahagi ng Metro.
Pinasimulan ng MMDA ang ilang traffic innovations, tulad ng pagbabawal sa mga provincial buses, pagsasara ng mga istasyon ng bus sa masikip na bahagi ng Cubao, ekslusibong bus lanes sa EDSA, at pagsasara ng maraming U-turns. Kakailanganin ng bagong chairman na i-review ang mga proyektong ito at talakayin gayundin ang mga bagong proyekto kasama si Secretary of Transportation Arthur Tugade, tulad ng plano para sa elevated busways.
Bilang dating Metro Manila mayor, matagal nang batid ni Abalos ang tungkol sa mga problemang ito, lalo na’t apektado rito ang kanyang lungsod at mga tao roon. Ngayong siya na ang chairman ng MMDA, may pagkakataon siya na makatrabaho ang mga ito sa panrehiyunal na pananaw, na tanging paraan upang masolusyunan ang problema.
Sinabi ni Presidential legal adviser Salvado Panelo, dating presidential spokesman, na bitbit ni Abalos ang “years of experience and wisdom”sa kanyang bagong posisyon. “Definitely, he is qualified and capable to continue the good work of the late Brig. Gen. Danilo Lim,” ani Panelo. “With public service in his DNA, Chairman Benhur Abalos will lead the MMDA to greater heights.”