MATAPOS ang halos isang taong pagsusuri sa mga dokumento at ebidensya, ipinahayag ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kasong kriminal sa tatlong empleyado ng Philippine Sports Commission (PSC) na direkta umanong sangkot sa kontrobersyal na ‘payroll scam’.
Sa inilabas na 23-page resolution nina DOJ Assistant State Prosecutor Moises Acayan, Sr. Deputy State Prosecutor Richard Fadullon at Prosecutor General Benedicto Malcontento, inirekomenda ang pagsasampa ng kasong qualified theft, attempted qualified theft, cyber-related forgery at computer-related fraud laban kina Paul Ignacio, Michaelle Jones Velarde at Lymuel Seguilla.
Dinampot ang tatlo ng National Bureau of Investigation (NBI) nang mabulgar ang anomalya, ngunit pinalaya pansamantala matapos makapagbayad ng piyansa.
“It is a regrettable incident but it compelled us to fast-track upgrades and consider a second-look at existing processes,” pahayag ni PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez.
Nabulgar ang naturang ‘conspirancy’ ng ireport ni Land Bank Vice President Marietta Cabusao ang malaking halaga ng deposito sa account ni Ignacio sa kanilang Philippines Century Park Hotel Branch sa Malate na nasa likod ng Rizal Memorial Sports Complex. Si Ignacio ay isang ‘contractual employee’ na naka-assign sa personnel department kung saan ginagawa ang payroll ng mga miyembro ng National Team.
Sa pagi-imbestiga, lumabas na dinadaya ni Ignacio at ng iba pang sangkot ang payroll at napupunta sa kanilang mga account ang buwanang suweldo nang mga bogus na atleta at yaong mga nagretiro na.
Ayon sa NBI, tinatayang umabot sa P14 milyon ang nakolekta ng grupo ni Ignacio sa loob ng nakalipas na limang taon.
Sinabi ni Ramirez, na nakikipag-ugnayan na rin sila sa Office of the Solicitor General at sa Anti-Money Laundering Council para mabawi ang nakulimbat na pera ng tropa ni Ignacio.