Ipinasisibak na serbisyo ang dalawang bagitong pulis matapos magpositibo sa paggamit ng iligal na droga sa isinagawang surprise drug test sa Olongapo City at Sulu, kamakailan.

Inihayag ni Philippine National Police (PNP) chief Debold Sinas, iniutos na niya na disarmahan ang dalawa at ilagay sa restrictive custody habang isinasailalim sa dismissal proceedings.

Ang tinukoy ng opisyal ay sina Patrolmen Reyland Intal, nakatalaga sa Olongapo City Mobile Force Company; at, Benhur Ismael, nakatalaga sa 2nd Sulu Provincial Mobile Force Company.

“If left undetected, these two police rookies will continue with their drug use and perhaps influence others. They will have to go because there is no place for addicts in the PNP,” aniya.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Naiulat na nagpositibo si Intal sa paggamit ng marijuana habang si Ismael ay nagpositibo naman sa paggamit ng shabu.

Paliwanag ng opisyal, nag-positive rin aniya ang urine samples ng dalawa nang isailalim sa confirmatory test.

Tanging si Intal lamang ang nagpositibo sa 397 na pulis sa lugar.

Isinagawa ang surprise drug testing sa mga pulis ng Olongapo City kasunod na rin ng pagkakaaresto ng apat na pulis sa isang pagsalakay sa isang shabu laboratory sa Subic kamakailan.

-Aaron Recuenco