Ipinaaaresto na ng Jolo, Sulu Regional Trial Court (RTC) ang siyam na pulis na sinibak sa kanilang serbisyo kaugnay ng pamamaslang sa apat na sundalo sa nasabing bayan, noong nakaraang taon.
Ito ang kinumpirma ni Prosecution Attorney Honey Delgado, tagapagsalita ng Department of Justice (DOJ)-Office of the Prosecutor General, kahapon.
Bukod dito, sinabi ni Delgado na hiniling na rin ng mga prosecutor sa RTC na magpalabas ng hold departure order laban sa siyam na pulis hindi sila makatakas sa Pilipinas.
Ang siyam na pulis ay sina Abdelzhimar Padjiri, Hanie Baddiri, Iskandar Susulan, Ernisar Sappal, Sulki Andaki, Moh Nur Pasani, Admudzrin Hadjaruddin, Alkajal Mandangan, at Rajiv Patulan.
Nahaharap sa kasong murder at pagtatanim ng ebidensya ang siyam na pulis kaugnay ng pagkakapaslang kina Maj. Arvin Indamog, Capt. Irwin Managuelod, Sgt. Eric Velasco at Cpl. Abdal Asula sa Jolo, noong Hulyo 19.
Ang apat na pulis ay nagsasagawa ng surveillance operations laban sa mga pinaghihinalaang suicide bombers nang maganap ang insidente.
Nauna nang inihayag ng Philippine National Police na pinalaya na nila ang mga suspek matapos silang isailalim sa restrictive custody kasunod ng insidente, dahil na rin sa kawalan ng warrant of arrest laban sa kanila.
-JEFFREY DAMICOG