“Kailangan natin ang lider, ang tunay na lider, hindi iyong nagpapanggap. Ang pangulo ay hindi dapat manhid sa sitwasyon ng mga mahirap na Pilipino, sa halip ay nararamdaman niya ang kanilang sakit at pagpupunyagi. Mayroon siyang isang salita. Hindi OK ang isang madaling pabagu-bago ang desisyon,” wika ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez sa kanyang mensahe sa paglulunsad ng kilusang “We need a leader, 2022” sa Tagum City, Davao del Norte nitong nakraang linggo. Bago siya nagbitiw sa PDP laban upang pamunuan at buhayin ang Partido para sa Demokratikong Reporma na ipinundar ni dating Chief of Staff Renato De Villa, binatikos niya ang kasalukuyang administrasyon sa pagtugon sa pandemya at tinawag niya itong bigo.
Kamakailan, sinalungat ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano ang isinusulong ng Kamara na baguhin ang Saligang Batas lalo na kung ang layunin nito ay hinggil sa party-list sytem at pagpapalawig ng termino. Nais kasi ni Pangulong Duterte na hindi na mapasok ng Makabayan bloc ang Kongreso dahil inaakusahan niya itong legal front ng mga komunistang rebelde. Kung ito lang ang layunin, ayon kay Cayetano, baguhin lang ang batas tungkol sa party-list at hindi ang Saligang Batas. Dapat din, aniya, na bigyan ng prayoridad ang paglunas sa pandemya bago ang pagaamyenda ng Konstitusyon.
Sa unang tatlong taon na termino ni Pangulong Duterte, ang naupong House Speaker ay si Alvarez at sabsimula ng kanyang ikalawang tatlong taon, si Cayetano naman. Parehong hindi nila natapos ang kanilang termino. Pinatalsik ng Kamara si Alvarez at ipinalit si Cong. at dating Pangulo na si Gloria Arroyo. Pinatalsik din si Cayetano at ipinalit si Alan Lord Velasco bilang pagsunod sa kanilang term-sharing agreement. Parehong ang lumabas na nagmaniobra sa sinapit ng dalawang dating Speaker ay ang anak ng Pangulo na si Mayor Sara Duterte ng Davao City. Kailangan kasing gawan ng paraan ang pagpapatalsik kay Cayetano dahil ayaw nitong igalang ang kanilang term-sharing agreement ni Velasco. Umaasa kasi si Cayetano na papanatilihin siyang Speaker ni Pangulong Duterte sa kabila ng kasunduan na mismong ang Pangulo ang nagasiwang mabuo ito.
Ngayon, mukhang ang tono ng dalawang dating Speaker ay hindi na naaayon sa kumpas ng Pangulo. Ang kilusang inilunsad ni Alvarez ay naghahanap ng tunay na lider. Lider na ang salita ay mapapagtanganan at hindi pabago-bago magpasiya. Lider na hindi mapagpanggap. Kung duduluhin mo ang sinabinig ito ni Alvarez, ang nais niya ay lider na hindi sinungaling. Alam na ng taumbayan ang kanyang tinutukoy. Walang magagawa sina Alvarez at Cayetano kundi ang gawin ang kanilang ginagawa ngayon kung nais nilang sila ay patuloy na nakalutang sa maruming putik ng pulitika. Minsan ay nasa loob sila ng kampo ni Pangulong Duterte at nagkaroon ng maraming okasyon makaniig nila ito. Sila ang higit na nakakaalam sa tunay na pagkatao ng Pangulo at kung paano niya pinatatakbo ang gobyerno ayon sa tunay na layunin nito.
-Ric Valmonte