Napag-alaman ng mga senador, sa nakaraang imbestigasyong isinagawa nila hinggil sa bakuna laban sa COVID-19, na sa Pebrero 20 darating sa bansa ang gamot na gagamitin sa mamamayang Pilipino. Sa pagdinig na isinagawa ng Senado bilang isang buong komite, lumabas na ang bakuna ay gawa ng Chinese manufacturer Sinovac Biotech Ltd. Ang problema, wala pa pala itong emergency use authorization (EUA) at hinihintay pa lang ng Food and Drug Adminstration ang kahilingan nito na mabigyan ng EUA. Eh nakipagsundo na agad ang ating gobyerno sa Sinovac para sa 25 million doses ng bakuna. Kaya, ang tanong ni Sen. Ping Lacson sa mga opisyal ng FDA: “Bakit lumagda na kayo ng kontrata sa Sinovac para sa 25 million doses ng bakuna gayong wala pa itong EUA mula sa FDA? Mukhang binibigyan, aniya, ng prayoridad ang Sinovac dahil may mga iba nang kompanya, tulad ng Pfizer ng Amerika at AstraZeneca ng United Kingdom ang nakakuha na ng EUA.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kinompirma ng Department of Health na makakakuha ang bansa ng 25 million doses ng bakuna, na kilalang CoronaVac, sa Sinovac. Ang 25,000 doses, aniya, ay darating sa susunod na buwan para ipangbakuna sa mga priority sectors tulad ng frontline health workers, elderly, poor people at uniformed personnel. Ang susunod na 950,000 doses ay sa Marso at tig iisang million doses sa Abril at Mayo, 2 million sa Hunyo at ang huling batch ay sa Disyembre.
Kung totoo ang tinuran ni vaccine czar Carlito Galvez at Presidential Spokesperson Harry Roque na sa huling linggo pa ng susunod na buwan darating sa Pilipinas ang unang batch ng bakuna, bakit hindi mo maitatanong sa iyong sarili kung ang mga nasa gobyerno ay pangunahing isinasaalang-alang ang kalusugan at kaligtasan ng taumbayan? Aba eh sa ibang mga bansa, bago pumasok ang bagong taon at hanggang sa kasalukuyan, binabakunahan na nila ang kani-kanilang mamamayan. Nagkaroon tayo ng pagkakataon na mangyari sana ito sa ating bansa, na sa ngayon ay binabakunahan na ang mga prayoridad na sektor ng ating lipunan. Kaya lang nga, sa lenguahe ni Foreign Affairs Sec. Teddy Locsin may nag-“drop the ball.” Dahil sa napakaatrasadong inaksyunan ni Health Sec. Duque ang dokumentong ipinalalagda ng Pfizer upang maideliber na nito sa bansa ang 10 milyong doses ng kanyang bakuna, ibinigay ito sa Singapore na bago magbagong taong ay ginamit na nito ito sa kanyang mamamayan.
Ang prayoridad pala ng gobyerno na kukunan ng bakuna ay ang China. Kahit wala pang EUA ay lumagda na ito ng kontrata sa Chinese manufacturer Sinovac Biotech Ltd. para sa 25 million doses ng kanyang medesina. Dahil dito, hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa naiulat na mga bibilhin na gamot ng mga local government unit na gawa ng AstraZeneca ng United Kingdom dahil kailangan magdaan muna sa gobyerno ang bilihan. Sa nangyayaring pagdinig sa Senado, kahit paano alam na natin ang nagdrop the ball at hindi ang kaligtasan ng mga Pilipino ang pangunahing layunin ng mga nasa gobyerno
-Ric Valmonte