MARAMING pinadapa ang pandemiyang coranavirus 2019 (COVID-19) at nakababagbag ng damdamin kapag may nalaman kang kasamahan sa industriyang pinapasukan na lugmok na sa hirap at pilit na bumabangon sa gamit ang anumang pamamaraang legal, makakuha lamang ng pantawid gutom para sa kanyang pinakamamahal na pamilya.
Sa dulo nang paglaban nito sa kahirapan, lalakasan na ang loob at saka lalapit sa mga kaibigan at dating mga kasamahan sa trabaho upang humingi ng konting “ayuda” na pantawid gutom ng kanyang pamilya – at ang gamit ay mga chat room sa social media.
Yun lang, maraming scammer sa panahong ito na sinasamantala ang pandemiya at ginagawang kalakal upang makahingi ng tulong gamit ang social media. Kaya nang makatanggap ako ng “private message” sa Facebook account ko – mula sa isang ‘di ko naman FB friend -- napangisi lang ako at nasabing sa sariling: “Ako pa ang balak na i-scam ng taong ito!”
Sinagot ko ang mensahe na ang nasa isip ay lalaruin at i-entrap para mabawasan ang scammer sa mundo. Pero nang tawagin niya akong “Boss Dave” ay pumasok sa isipan ko, na mga kasamahan ko lang sa media ang madalas na tumawag sa akin ng ganito. Tinanong ko siya kung saan kami nagkakilala. Tugon niya ay dati raw siyang taga-media at makailang beses na rin daw kaming nagkasama sa coverage –videographer/editor pala ang naging trabaho niya.
Sobrang tinamaan daw siya ng pandemiya at hirap na hirap makabangon para itaguyod ang kanyang tatlong anak. Sa madaling sabi – humihingi siya ng konting cash pantawid gutom ng kanyang tatlong anak. Naubos na raw halos lahat ng mga importanteng gamit na naipundar niya sa kabebenta at kasasangla para may pangkain silang mag-anak, kaya naglakas loob na siyang lumapit sa mga dating kasamahan sa industriya.
Matay ko mang isipin ay ‘di ko maalala kung sino siya kaya sinilip ko ang kanyang profile. Nagulat ako dahil mahigit sa 100 ang common friends namin at lahat ng mga ito ay taga-mainstream media.
Sabi ko sa kanya marami kaming common friends sa FB na nasa media. Tinanong ko siya may nilapitan na siya sa mga ito. Sagot niya: “Karamihan ‘di nagre-reply. Yung iba wala rin daw sila at may mga alagain pa sa ospital. Small time lang ako Boss Dave!”
Pumasok sa isipan ko na totoo namang maraming taga-media – lalo na yung mahabang panahon na sa trabaho ay ‘di pa rin ma-regular -- na wala pa mang pandemiya ay palaging gipit, ngayon pa kayang halos isang taon na ang pandemiya.
Nakita ko rin sa FB account niya ang sinasabi niyang tatlong paslit na anak at ilang larawan niya sa habang nasa coverage. Unti-unti akong nakaramdam ng awa lalo pa’t may mga inosenteng bata na apektado rito!
Sa huling PM niya: “Kahit magkano Boss Dave pag magpapadala ka ay makatutulong na ‘yan sa amin. Kung sakali – dito mo ipadala sa GCASH ko #0915 288 2211.”
Ang sagot ko sa kanya: “Walang-wala rin ako now pero pag nagkaroon ako kahit konti padalhan kita. Hanap ka muna ng ibang trabaho. Padala ka resume mo sa lahat ng inaakala mong makatutulong sa iyo -- malay mo may biglang dumating na swerte. ‘Di natutulog ang Dios!”
“Salamat Boss Dave – anuman ang ipadala mo, siguradong makatutulong sa pamilya ko,” huling PM niya na may kasamang RESUME.
Nagpa-transfer ako ng konting cash kay Aymi sa GCASH ko at ‘di na ako nagdalawang-isip na ipasa naman ito sa ka-chat ko. Ilang saglit lang ay natanggap ko ang notice na pumasok na ang cash sa account # 0915 288 2211 at nakasaad dito ang buong pangalan niya!
Ramdam ko ang luwag sa dibdib ng konting tulong na iyon para sa isang dating kasamahan sa industriya na biktima ng pandemiya.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.