WALANG sinasanto, walang pinatatawad, walang iginagalang ang coronavirus disease 2019 (COVID-19). Maging ang mga pinakamakapangyarihan at mayayamang tao sa mundo ay hindi nito kinikilala sa pagsasabog ng lagim, lason at kamatayan.
Batay sa mga report, sina Pope Francis at Queen Elizabeth ng Great Britain ang pinakahuling kilala o high-profile figures na sumama sa global vaccine campaign laban sa salot na mahigit na sa 80 milyon ang na-infect sa buong mundo at mahigit sa 1.9 milyon ang binawian ng buhay.
Sa United States, lampas na sa 22 milyon ang tinamaan ng COVID-19 at 372,051 Amerikano ang namatay. Ang India ang pangalawang bansa at second-worst hit ng pandemya sa pagkakaroon ng mahigit sa 10 milyong kaso.
Sa Pilipinas, ang pinakahuling tala hanggang nitong Enero 10,2021 ay 487,690 kaso samantalang ang namatay ay 9,405. Maliit lang ang bilang na ito kumpara sa ibang mga bansa, pero tayo ang pumapangalawa sa dami ng mga COVID-19 cases sa Southeast Asia. Ang Number One ay Indonesia. Pero baka raw dumami ang kaso ng COVID-19 matapos ang Kapaskuhan at Pista ng Itim na Nazareno.
Hinihimok ng Santo Papa ang mga tao na magpabakuna upang malabanan ang peste. Tinawag niya ang pagkontra o oposisyon sa vaccination bilang “suicidal denial”. Sa mga balita noong Enero 11,2021, sinabi ni Lolo Kiko na siya ay magpapabakuna laban sa virus sa susunod na linggo sa pagsisimula ng Vatican sa kampanya laban sa pandemic.
May mga report na ang personal physician ni Pope Francis ay namatay dahil sa kumplikasyon sa Covid-19. Ang mangggamot ay 78 anyos. “May suicidal denial na hindi ko maipaliwanag. Pero ngayon ay kailangang tayo ay mabakunahan,” patungkol ng Papa sa mga taong ayaw magpabakuna.
Sina Queen Elizabeth II at asawang Prince Philip ay nabakunahan na noong Sabado sa Buckingham Palace. Batay sa domestic Association news agency, ang reyna na 94 anyos at si Philip na 99 anyos ay binakunahan ng isang royal household doctor sa Windsor Castle.
Mahigit sa1.5 milyong Briton ang nabakunahan nang isagawa ang vaccination program. Ang binigyang-prayoridad ay mga matatanda, mga tagapangalaga nila at health workers. Nang mabalitaan ito ng kaibigan kong sarkastiko, ganito ang kanyang komento: “Sa Pilipinas kaya ay uunahin din ang mga matatanda, health workers na nag-aaruga sa mga pasyente?” Sabad ni Senior jogger: “Itanong natin kay Sec. Roque o kaya ay kay Gen. Galvez.”
Sundot ko sa dalawang kaibigan habang nagkakape.” Wag muna ninyong pag-usapan kung sino ang uunahin sa pagbabakuna. Ang isipin at itanong natin ay kelan darating ang mga bakuna na kailangang-kailangan ng mga Pilipino.”
Siyanga pala, batay sa pinakahuling ulat, may 42 bansa na ang nabakunahan ang kanilang mga mamamayan. Sa minamahal kong bansa, pinag-uusapan pa lamang ang pagkakaroon at pagdating ng bakuna. Sana naman ay wala nang “mag-dropped the ball” para hindi tayo maging kulelat at kawawa sa bakunahan.
-Bert de Guzman