KAHIT isa at kalahating taon na lang si Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) sa trono ng Malacanang, may mga mambabatas na nagpupursige pa ring mag-Cha-cha (Charter Change) ang Kongreso.
Sa Senado, dalawang senador –sina Sens. Ronald dela Rosa at Francis Tolentino –ang nagnanais na i-convene ang Kamara at Senado bilang isang constituent assembly (Con-As) para magpasok ng mga amyenda sa 1987 Constitution.
Sa Kamara naman, nag-iskedyul ang House committee on constitutional amendments ng mga pagdinig hinggil sa mga panukalang pagbabago sa Konstitusyon.
Samakatwid, desidido pa rin ang dalawang Kapulungan na “magsayaw” ng Cha-cha kahit nananalasa ang COVID-19 virus sa maraming panig ng Pilipinas.
Sabi nga ng Office of the Vice President (OVP), hindi karapat-dapat na isulong pa ang Charter Change sa panahong ang Pilipinas ay nahaharap sa maraming problema, pangunahin ang salot na Covid-19.
Sa panig ng Makabayan bloc, sinabi nitong salungat sila sa planong Cha-cha at hindi ito dapat bigyang-prayoridad dahil ang bansa ay ginigiyagis ng pandemic.
Sa paghahain ng Resolution of Both Houses (RBH) No. 2, sinabi nina Dela Rosa at Tolentino na kailangang maipasok ang mga reporma sa 33-taong Constitution upang matamo ng bansa ang paglusog ng ekonomiya sa mga panahong umiiral ang krisis at kawalang-katiyakan .
Binigyang-diin ng dalawang senador na kaalyado ni Mano Digong, na ang mga pagbabagong ipapasok nila ay limitado lang sa economic at democratic representation provisions ng Saligang-BAtas.
Gayunman, may mga sektor na duda rito at baka raw ang mga pagbabago ay para rin sa extension ng termino ng incumbent officials o kaya naman ay sa pagpapaliban ng 2022 elections.
Hindi maiwasan ng taumbayan na magkomento tungkul sa isyu ng bakuna na panlaban sa COVID-19. Bakit daw ang ibang mga bansa, mayroon nang mga bakuna at binabakunahan na ang kanilang mga mamamayan?
Bakit daw ang Pilipinas ay wala hanggang ngayong dumarating na bakuna? Bakit daw? Narinig daw nila ang katagang “dropped the ball”, pero hindi naman daw isyu ito ng basketball game kundi ang tama at napapanahong delivery ng mga bakuna.
Nagtatanong ang publiko o ang milyun-milyong Pinoy kung talagang kailan darating sa bansa ang bakunang kontra COVID-19. Talaga raw bang ang Pilipinas ang kulelat sa mga bansa na daratnan ng COVID-19 vaccines? Sige itatanong ko sa mga kaibigan ko na kasama sa kapihan tuwing umaga!
-Bert de Guzman