SA panahong nagdurusa ang bawat isa sa bansa mula sa epekto sa ekonomiya ng COVID-19 pandemic, nararapat na ipagpaliban muna ang nakatakdang pagtaas ng rates ng kontribusyon ng mga Pilipinong mangagawa sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at Social Security System (SSS) hanggang sa umayos na ang sitwasyon para sa bawat isa.
Nagdulot ang pandemya ng national recession dahil sa pagsasara ng napakaraming pribadong negosyo at mga ekonomikal na programa ng pamahalaan. Ang epekto nito sa mga indibiduwal at kanilang pamilya ay nagpahirap sa kanilang buhay, kung saan marami ang nawalan ng kanilang hanapbuhay o sapilitang pinahaba ang leave.
Nahaharap ngayong bagong taon ang mga miyermbro ng PhilHealth at SSS sa dagdag na panibagong pasanin.
Sa ilalim ng Universal Health Care Law, ang mga miyembrong nagbabayad ng taunang premium sa PhilHealth, mula 2021, ay tataas ng 0.5 porsiyento kada taon hanggang sa maabot nito ang 5 porsiyentong pagtaas sa 2025. Mula sa kasalukuyang tatlong porsiyentong kaltas sa basic salary, tataas sa 3.5 porsiyento ang kailangang ibigay ng mga miyembro.
Dagdag pa rito, may mandato rin ang Social Security Act na pagtataas ng isang porsiyento sa kontribusyon ng mga miyembro nito ngayong taon, na tataas sa kabuuang 13 porsiyentong buwanang kontribusyon ngayong 2021.
Nanawagan ang mga kongresistang ng Makabayan Bloc sa Kamara ng amyenda sa PhilHealth at SSS upang mapigilan ang probisyon para sa awtomatikong pagtataas ng kontribusyon. Umapel naman ang Employers Confederation of the Philippines kay President Duterte na ipagpaliban ang nakatakdang SSS increase.
Nanawagan na ang Pangulo sa Philippine Health Insurance Corp. na ipagpaliban muna ang pagtaas ng kontribusyon ng mga miyembro ngayong taon, sa pagsasabing hahanap ang pamahalaan ng pondo upang punan ang nakatakdang pagtaas. Para sa SSS, sinabi ng mga opisyal nito na handa silang iliban muna ang planong pagtataas kung may batas na maipapasa o maglalabas ng kautusan si Pangulong Duterte.
Sa Kamara de Representantes, sinabi ni Speaker Lord Allan Velasco na naghain na siya ng dalawang panukala upang amyendahan ang Act 11223, ang Universal Health Act, at RA 11199, ang Social Security Act, na magpapahintulot sa Pangulo na suspindehin ang implementasyon ng awtomatikong pagtataas sa premium contributions sa panahon ng national emergency.
“These are extraordinary times and Congress must respond accordingly,” pahayag ni Speaker Velasco kasabay ng panawagan para sa mabilis na pag-apruba ng dalawang panukala sa Kamara.
Nakikita natin ang mga opisyal ng pamahalaan at mga lider ng pribadong sektor na nagkakaisa upang matulungan ang mga mangagawa ng bansa sa isang problema—ang pagtaas ng kontribusyon sa PhilHealth at SSS.
Makalipas ang sampung buwan ng COVID-19 pandemic sa bansa at ang inaasahang patuloy nitong pagbabanta sa mga susunod na buwan, kinakailangan ng ating mga manggagawa ang bawat tulong na maaari nilang matanggap. Ikinatutuwa natin ang mabilis na aksiyon ng pamahalaan sa problema ito—ang Philhealth at SSS contributions—na makatutulong upang mabawasan ang pasanin ng mga manggagawa ngayong taon.