HANDANG magbigay ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa mga magtatapos ng kursong agriculture ng hanggang tatlong ektaryang lupa.
Ito ang ibinahagi ni DAR Secretary John Castriciones, sa paglulunsad kamakailan ng ‘Buhay sa Gulay’ isang urban farming program sa Quezon City, upang mapataas aniya ang interes ng mga kabataang Pilipino sa agrikultura.
“Isa pa sa mga programa ng agrarian reform na ang bawat agriculture graduate na interesadong gamitin ang kanilang pinag aralan sa agrikultura, kami ay nakahandang magbigay ng lupa na at least tatlong ektarya sa bawat agri graduate. Yan ay para talagang mahalin ng mga mamamayan ang pagsasaka,” ani Castriciones.
Dagdag pa ng kalihim, hangad ng insentibo na mahikayat ang mga kabataan na magkokolehiyo na piliin ang agriculture bilang kanilang kurso at para sa mga magulang na hikayatin ang kanilang mga anak na pasukin ang naturang larangan.
Kabilang ang insentibo sa probisyong nakapaloob sa Republic Act 6657 o ang Comprehensive Agrarian Reform Law na inaprubahan noong 1988.
Ayon kay Castriciones hindi niya alam kung bakit hindi ito naiimplementa at ito ang unang pagkakataon na magbibigay ang dar ng nasabing insentibo.
“Hindi pa ito napatupad simula noon at ngayon lamang ipapatupad sa ilalim ng ating administrasyon at lahat ng mga interesado na agriculture graduate ay mabibigyan ng maximum na three hectares, meron na kaming mga nakalaan, naka slate na bibigyan,” aniya.
Pagbabahagi pa ni Castriciones, sa pagtatapos ng Enero nakatakda silang mamahagi ng nasa 150 hanggang 20 ektaryang lupain sa ilang agriculture graduates mula Cagayan State University.
Dagdag pa niya, mayroon ding nasa 50 ektaryang lupain sa Palawan na ibibigay sa mga agriculture graduates doon.
“These are what we call government-owned lands that will be awarded for free to our graduates of agriculture courses,” ani Castriciones.
Naniniwala ang kalihim na ang agrikultura ang ‘last frontier of survival’ lalo na sa panahon na tulad ngayong pandemya.
Aniya, may mga graduates ng agriculture ang bansa ngunit kung wala silang lupa na mapagtataniman at magagamit para sa kanilang kaalaman, wala rin itong silbi.
Dagdag pa niya, maraming tao, maging mismong mga magsasaka ang nawawalan na ng interes sa pagsasaka at agrikultura at hindi na hinihikayat ang kanilang mga anak na sundan ang kanilang yapak.
Saad pa ni Castriciones, ang katotohana’y maraming Pilipino ang nawalan na ng interes sa agrikultura at pagsasaka at ang pagbibigay ng insentibo ay malaking tulong.
Pag-amin pa niya, agrikultura ang pinakamahinang sektor sa bansa ngayon.
Mababa, aniya ang tingin ng mga tao sa mga magsasaka, gayung dapat silang pasalamatan lalo na ngayong panahon ng pandemya.
“Ang average age ng magsasaka ngayon ay 57 years old, matatanda na ang mga magsasaka natin kaya panahon na para buhayin nating muli sa ating mga mamamayan ang kanilang pagmamahal sa pagsasaka,” giit pa ni Castriciones.
Para sa kanya, makatutulong ang mga nagtapos ng agriculture upang mapaunlad ang teknolohiya para sa modernong pagsasaka.
Dagdag paniya, ang kanilang natutunan ay maaaring maipasa sa mas maraming magsasaka na kalaunan ay mapakikinabangan ng ekonomiya ng bansa at magsisiguro sa seguridad sa pagkain.
Samantala upang maging kuwalipikado sa programa, kailangang nagtapos ang isa sa apat na taong kurso sa agriculture at may interes na magsaka at gawing produktibo ang lupa. Wala rin itong balak ibenta o abandonahin ang lupang ibibigay.
PNA