WANTED: Mambabatas na maghahain ng panukala para maisabatas ang libreng Medical at Neurological Services para sa Pinoy professional boxers at combat fighters.
Ito ang prioridad sa ‘wish list’ ni Games and Amusements Board (GAB) Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra sa bagong taon bunsod na rin ng matinding pangangailangan ng mga atleta, partikular sa contact sports, para maibsan ang gastusin at alalahanin sa kanilang kalusugan sa gitna ng laban sa COVID-19 pandemic.
“We are calling our friends in Senate and Congress. Sana naman po may makapaghain ng panukala para maisabatas po ang pagkakaroon ng libreng medical at neurological services para sa ating mga atleta,” pahayag ni Mitra.
‘Kung wala pong batas, talaga pong magre-relay na lang tayo sa renewal ng ating Memorandum of Agreement (MOA) sa ating mga partner tulad ng Department of Health (DOH) at Armed Forces of the Philippines (AFP),” sambit ng dating Palawang Congressman at Governor.
Ayon kay Mitra, napakahalaga ng naturang aspeto sa mga boxers at combat fighters, bago at matapos ang laban upang masiguro nila na maayos ang kanilang kalagayan bago muling sumabak sa ensayo at lumaban.
“Sa ating policy, ang mga boxers bago ang laban kailangan ang medical check-up, then after the fights, pahinga at balik sa medical test ang mga 'yan dahil after three months puwede na uling lumaban.
“Hindi po lahat ng ating mga pro boxers at combat fighters ay kumikita nang limpak na pera kaagad-agad, kaya mabigat sa kanilang bulsa kung pati ang medical check-up at neuro services ay sariling gastusin pa nila o ng kanilang manager,” sambit ni Mitra.
Nakapaloob sa free medical na ipinagkakaloob sa DOH-GAB partnership ang CT-Scan, neurological, at laboratory services, habang ang AFP ay naglaabn ng kanilang mga hospital para sa dental services.
Mula nang maitalaga ng Pangulong Duterte sa GAB nitong 2016, ang partnership sa DOH para sa libreng medical at neuro services ang itinulak ni Mitra at nananatili sa kasalukuyan dahil sa paulit-ulut na renewal ng MOA.
Ikinalugod ng World Boxing Council (WBC) – pinakamalaki at pinamamatandang boxing body sa mundo – ang programa ni Mitra kung kaya’t ipinagkaloob nila ang ‘Best Commission of the Year’ sa GAB nitong 2017 at ginawang blueprint sa lahat ng miyembrong bansa ang libreng medical at neuro services.
“Kung batas na po ito. Mas magaan para sa GAB at sa ating mga professional sports athletes,” giit ni Mitra.
Kaalinsabay nito, magsasagawa ng virtual meeting ang GAB ngayon sa lahat ng stakeholders ng pro sports para maklaro ang supplemental guidelines sa Joint Agreement Order (JAOP) No. 2020-0001 na inaprubahan ng Inter- Agency Task Force (IATF) para sa pagsasagawa ng athletic bubble ay training.
“This 2021, we will implement the provisions of the supplemental guidelines or Supplemental JAO. This new order will really determine the future of all sports events in the country this year. But we will continue holding our sports events in accordance with the latest government directives to ensure the safety of our pro athletes and the general public, whether it is a full athletic bubble, open or closed-circuit-- we will make sure that GAB is on top of everything,” pahayag ni Mitra.
-Edwin G. Rollon