NITONG nakaraang Lunes, sumulpot na naman si Pangulong Duterte upang manakot at magbanta. Ang pulong niya para magulat sa bayan hinggil sa pandemya at mga hakbang na ginagawa ng kanyang administrasyon upang labanan ito ay halos maubos para ipakita ang kanyang galit sa mga Senador na nag-takda ng panahon upang imbestigahan ang pagpuslit ng bakuna sa bansa at paggamit nito ng mga miyembro ng Presidential Securty Group nang walang pahintulot ang Food and Drug Administration (FDA). Sa kanyang akala na tatawagin ng mga Senador si PSG commander Gen. Durante upang kanilang maging resource person at papanagutin ng contempt kung hindi nila magustuhan ang kanyang testimonya, sabi ng Pangulo: “Hindi ko ito papayagan. Pupunta ako sa Kongreso at kukunin ko sila. Kapag ginawa ninyo ito, magkakaroon ng munting krisis. Nasa inyong kamay ito. Nakahanda akong ipagtanggol ang aking mga sundalo. Hindi ko hahayaang kahit anumang ganda ang inyong layunin, na pagmalupitan sila. Ang inasal na ito ng Pangulo at mga imbestigasyong isinasagawa, bukod sa Senado ay tinawag ng isang kolumnista na “Greatest Show on Earth.”
Tahasang sinabi ni pangulong Duterte na hindi niya alam na ang kanyang mga PSG bodyguard ay nagpabakuna. Ang problema, siya ang unang nagsiwalat ng PSG vaccination sa kanyang televised address noong Disyembre 26. Sa okasyon ding ito, pinagbantaan niya ang Amerika na tuluyan niyang kakanselahin ang Visiting Forces Agreement kapag hindi ito nagbigay sa bansa ng bakuna laban sa COVID-19. Noon ay dalawang kompanya ng gamot sa Amerika ang nakatuklas na inaprobahan nang gamitin dito at sa United Kingdom. Ang gamot na nagawa na ng Pfizer/BioN/Tech ay 95 porsyentong mabisa, samantalang ang nagawa ng Moderna ay 94 porsyento. Ang gamot na gawa ng Pfizer ay siya sanang makukuha ng bansa nang maaga pa.
Noong Setyembre pa lang ay inialok na itong gamot sa bansa na may kailangan lang mga dokumentong dapat gawin. Inupuan nina Health Secretary Duque at Executive Secretary Medialdea ang confidentiality disclosure agreement. Ayon sa Pangulo, para bigyan ng katwiran ang atrasadong paglagda ni Sec. Duque sa dokumento ay dahil kailangan pag-aralan pa ito ng abogado. Dahil dito, ang 10 milyong doses ng Pfizer COVID-19 na dapat ay naideliber sa bansa sa buwang ito, ay ibinigay sa Singapore. Ginagamit na ito ng Singapore sa kanyang mamamayan na siyang dapat sanang nagaganap ngayon sa ating mga Pilipino. Ang tanong ni Sen. Ping Lacson; “ilang buhay kaya ang nasagip sana?”
Kailangan may drama si Pangulong Duterte na kunwari ay galit siya sa akalang ipapatawag ng mga Senador ang mga PSG soldiers sa pagdinig na gagawin nila hinggil sa pagbabakuna ng mga ito ng gamot na hindi pa aprobado ng FDA. Problema pa itong sinabi ni Senate President Sotto na hindi naman ito sentro ng imbestigasyon kundi ang “road map” para sa P72.5 billion na inaprobahan ng Kongreso na pambili ng gamot. Ginugulo lamang ang tunay na isyu lalo na sa nababalita na namang charter change na isinusulong ng Kongreso. Ang talagang isyu ay sino ang responsable sa hindi natin nakuha kaagad na gamot ng Pfizer? Napakahalagang maresolba ito dahil araw-araw ay may namamatay at tumataas ang bilang ng mga nagkakasakit. May COVID-19 variant pa na higit na kinatatakutan dahil mabilis itong kumalat. “Who dropped the ball?,” wika nina Sec. Teddy Locsin at Sen. Ping Lacson.” Kailangang malaman ito ng sambayanan dahil pinaglalaruan niya lamang ang buhay ng mga Pilipino. Marami ng dugo ang na sa kanyang kamay.
-Ric Valmonte