PUNO ng pagkagulat at pangamba ang mundo habang pinanonood ang paglusob ng libu-libong tagasuporta ni Trump sa United States Congress nitong Miyerkules, na nagpaantala sa pagdinig para sa congressional certification ng resulta nang ginanap kamakailan na November election para sa president at vice president.
Sa udyok ni President Donald Trump, na natalo sa eleksyon, dinumog ng nagkakagulong tao ang gusali, sinira ang mga pinto at bintana, pinasok ang kamara kung saan nagpupulong ang mga senador at kongresista para sa pinal na hakbang para sa proklamasyon ni President-elect Joseph Biden at Vice President-elect Kamala Harris.
Isa si British Prime Minister Boris Johnson sa mga first world leaders na nagpahayag ng pagkabala sa nasaksihan nilang paglapastangan sa demokrasya sa US, sa gitna ng mismong setro ng awtoridad ng pamahalaan.
Ito ang unang beses na nilusob ang Capitol at pinasok ng marahas na puwersa mula noong 1814, nang sunugin nito ng tropa ng Britain sa isang Digmaan noong 1812. Higit dalawang siglo na ang nakararaan at naging pinakamakapangyarihang bansa sa buong mundo ang US, panalo sa maraming digmaan, lider ng politika, lipunan, at ekonomikal na grupo ng mga bansa.
Ngunit ngayon, nasaksihan ng mundo ang pagtakas ng mga American senators at congressman mula sa mga nagkakagulong tao na inudyukan ni President Trump, na nais ang Kongreso na tanggihan ang Electoral College vote na nagpapakita ng pagkapanalo ni Biden. Pinasok ng mga tao ang Senate at House chambers habang nagkukumahog ang mga senador at kongresista na makatakas para sa kanilang kaligtasan, kung saan tila hindi handa ang seguridad sa sitwasyon.
Naging daan ang aksiyon ng mga nagkagulong tao upang pagtibayin ang desisyon ng Kongreso na iproklama si Biden, sa pakikiisa ng maraming Republican senator at congressmen sa pangkalahatang desisyon na tapusin na ang lahat ng debate. Sa mismong White House, dalawa sa miyembro ng gabinete at maraming staff ang nagbitiw.
Dalawang linggo na lamang ang nalalabi sa apat na taong termino ni President Trump, na matatapos sa panunumpa sa tungkulin ni Biden sa Enero 20. Ngunit mayroong mga panawagan para sa impeachment upang agad nang matapos ang pamumuno ni Trump, sa pangamba na makaisip pa ito at ang kanyang mga tagasuporta ng panibagong hakbang upang manatili sa kapangyarihan. Maraming Republicans ang handa ngayong samahan ang Democrats sa proseso ng impeachment.
Sa lupon ng natitirang cabinet officials ng Pangulo, may nabubuo namang usapan para sa paggamit ng 25th Amendment of the Constitution, kung saan isinasaad na kapag hindi na nagagawa ng pangulo ang kanyang tungkulin, ang bise president ang magiging pangulo.
Lahat ng ito ay lumulutang mula sa kawalan ng katiyakan sa kung ano ang maaaring sunod na gawin ni President Trumpa matapos ang karahasang naganap nitong Miyerkules na nag-iwan ng apat na pagkamatay at ang paglapastangan sa tinitingalang sentro ng demokrasya ng Amerika.