HIGIT 75 porsiyento ng mga taong naospital na may COVID-19 ang patuloy na nagdurusa mula sa isa sa mga sintomas ng sakit makalipas ang anim na buwan, base sa isang pag-aaral na inilabas nitong Sabado na ayon sa mga siyentista ay nagpapakita ng pangangailangan para sa higit pang imbestigasyon sa tumatagal na epekto ng coronavirus.
Ang pag-aaral, na inilabas sa Lancet medical journal at kinasangkutan ng daan-daang pasyente sa Chinese city ng Wuhan, ay isa na iilang nakapag-trace ng pangmatagalang sintomas ng COVID-19 infection.
Natuklasan dito na fatigue o muscle weakness ang pinaka karaniwang sintomas, habang iniulat ng mga pasyente ang hirap sa pagtulog.
“Because COVID-19 is such a new disease, we are only beginning to understand some of its long-term effects on patients’ health,” pahayag ni lead author Bin Cao, ng National Center for Respiratory Medicine.
Aniya, binibigyang-diin sa naging pag-aaral ang pangangailangan sa patuloy na pag-aalaga sa mga pasyente matapos makalabas ng ospital, partikular ang mga nagkaroon ng malubhang impeksyon.
“Our work also underscores the importance of conducting longer follow-up studies in larger populations in order to understand the full spectrum of effects that Covid-19 can have on people,” aniya.
Sinabi ng World Health Organization na nagbabanta ng panganib ang virus para sa ilang tao na patuloy na nakararanas ng epekto—kahit pa sa mga nakababatang edad, pati sa mga malulusog na tao na hindi naospital.
Kabilang sa pag-aaral ang 1,733 COVID-19 patients na na-discharged mula sa Jinyintan Hospital sa Wuhan sa pagitan ng Enero at Mayo ng nakaraang taon.
Ang mga pasyenteng nasa edad ng 57, ay binisita sa pagitan ng Hunyo at Setyembre at sumagot sa mga katanungan hinggil sa kanilang sintomas at kalidad ng buhay na may kaugnayan sa kalusugan.
Nagsagawa rin ang mga mananaliksik ng physical examinations at lab tests.
Sa pag-aaral, natuklasan na 76 porsiyento ng mga pasyenteng nakiisa sa follow-up (1,265 ng 1,655) ang nagsabing may sintomas pa rin sila.
Nasa 63 porsiyento ang nag-ulat ng fatigue o muscle weakness, habang 26 porsiyento ang nagbahagi na nakararanas ng problema sa pagtulog.
Tiningnan din sa pag-aaral ang 94 pasyente na itinala ang blood antibody levels sa gitna ng impeksyon para sa panibagong trial.
Nang muling sinuri ang mga pasyente matapos ang anim na buwan, bumaba ang level ng kabilang neutralising antibodies ng 52.5 porsiyento.
Ayon sa mga may-akda nagbibigay ng pangamba ang natuklasang ito sa posibilidad ng COVID-19 re-infection, bagamat sinabi nila na kailangan pa rin ang mas malaking samples upang linawin kung paanong nagbabago ang immunity sa virus sa paglipas ng panahon.
Sa isang komento sa pag-aaral, sinabi nina Monica Cortinovis, Norberto Perico, at Giuseppe Remuzzi, ng Istituto di Ricerche Farmacologiche Mario Negri IRCCS ng Italy, na may kawalang-katiyakan hinggil sa pangmatagalang epekto sa kalusugan ng pandemya.
“Unfortunately, there are few reports on the clinical picture of the aftermath of Covid-19,” anila, na sinundan ng pagsasabing ang pag-aaral na ito ay “relevant and timely”.
Dagdag pa nila, makatutulong ang longer term multidisciplinary research na isinasagawa ng United States at Britain upang mapaunlad ang pag-unawa at makatulong na bumuo ng therapy “to mitigate the long-term consequences of COVID-19 on multiple organs and tissues”.
Agence France-Presse