MAY 25 porsiyento lang ng taga-Metro Manila ang handang magpabakuna laban sa COVID-19. Ito ang resulta ng survey na ginawa ng OCTA Research Group, ang Tugon ng Masa survey noong Disyembre 9-13, 2020. Sa 600 tinanong 25% lang ang willing na bakunahan.
Dalawampu’t walong porsiyento ang nagsabing ayaw nila samantalang 47% ang undecided o walang desisyon. Batay sa OCTA Research Group, pinakamataas sa unwilling o ayaw pabakuna ang nasa kategoryang E na may 31%, kasunod ng class D na 28% at class ABC na may 19%.
Samantala, pinakamataas sa may gusto o handang pabakuna sa class ABC na may 29%, kasunod ng nasa class E na 27% at class D na 24 porsiyento.
Sa naturang survey ng OCTA, lumilitaw na 81% ng Metro Manila respondents ay aprubado ang pagtugon ng pambansang gobyerno para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease. Tanging anim na porsiyento ang nagsabing hindi sila nasisiyahan samantalang 12% ang hindi sigurado sa pagtugon ng national government sa salot.
Ang Tugon ng Masa survey na ayon sa OCTA ay isang independent at non-commissioned scientific poll, ay may error margin na +/-four percent. Ang OCTA Research ay isang independent at interdisciplinary group ng mga eksperto na binubuo ng faculty members ng University of the Philippines (UP) at University of Santo Tomas (UST).
Ayaw pala ng mga taga-Navotas City ang Sinovac at Sinopharm na gawa sa China. Sinabi ni Mayor Toby Tiangco na higit nilang gusto ang Western-made vaccines.
Sinabi ni Tiangco na nagsagawa ng Facebook survey ang Navotas City hall sa hanay ng 6,128 respondents. May 64.1 percent ang nagsabing ikokonsidera muna nila ang brand o tatak ng bakuna bago sila paturok.
Nang tanungin kung anong brand ang gusto nila, 84.2% ang tumugon na gusto nila ang US-made Pfizer-BioNTech vaccine kaysa isa pang US vaccine na Moderna (61.1%), United Kingdom AstraZeneca (3.8%), Russia Sputnik V(3.5%), at US vaccine Novovax (0.8%). Nagtamo lang ng 1.2% ang mga bakuna ng Sinovac at Sinopharm.
Niliwanag ni Mayor Tiangco na bagamat hindi scientific, ginawa nila ang survey noong Disyembre 29, 2020 hanggang Enero 3, 2021 upang tulungan ang pambansang gobyerno sa pagkakaloob ng vaccine brands na gusto ng mga residente sa antas ng pamahalaan lokal.
Siyanga pala, nagpahayag ng pangamba ang Commission on Population (PopCom) sa pagkakaroon ng tinatawag na “baby boom” o pagdami ng mga batang ipanganganak pagkatapos ng pandemic. Ayon kay PopCom executive director Juan Antonio Perez III, malaki ang tsansa na darami at madagdagan ang mga sanggol na isisilang pagkatapos ng pandemya dahil ang mag-asawa ay laging magkasama sa panahon ng lockdown.
Ayon kay Perez, ang baby boom ay nangyari noong 1960s o pagkatapos ng World War 2. “Nagkaroon tayo ng baby boom noong post-war era.That’s when we had an average family size of six children. Ito ay noong 60’s. That’s the baby boomer Philippine style”.
Well, well, noon ay World War II baby boom, ngayon naman ay COVID-19 pandemic baby boom!
-Bert de Guzman