Pinalawig pa ng gobyerno ang pagpapatupad ng travel restrictions nang idagdag sa listahan nito ang Austria matapos matuklasan sa nasabing bansa ang bagong coronavirus disease 2019 (COVID-19) variant na nauna nang na-detect sa South Africa, ayon sa Malacañang.

Sinabi ni Presidential spokesman Harry Roque na ipinagbabawal na ng Office of the President ang pagpasok sa bans ang mga dayuhang pasahero na mula sa Austria simula bukas (Enero 10) hanggang Enero 15.

Gayunman, papasukin pa rin ng pamahalaan sa bansa ang mga Pinoy at iba pang dayuhang biyahero na dumating sa bansa bago ang Enero 10. Gayunman, sasailalim muna ang mga ito sa 14-day facility-based quarantine.

Kaugnay nito, inatasan na ng Office of the President ang Task Group on Returning Overseas Filipinos ng National Task Force Against COVID-19 at lahat ng local government units (LGUs) na gumawa ng kaukulang paghahanda para sa pagpapatupad ng mahigpit na quarantine at isolation sa mga health facility para sa magbalik-bayan.

Mapayapa, nagkakaisang Pilipinas 'di matitinag, babangon sa gitna ng hamon—VP Sara

Iniutos na rin nito sa mga LGU na bantayan pa rin ang mga sumasailalim sa quarantine sa kani-kanilang bahay pagkatapos ng Enero 15.

Matatandaang nagpatupad ang Pilipinas ng travel restrictions sa mga pasaherong mula sa mga bansang nakumpirmang nakitaan ng bagong COVID-19 variant.

Sa ngayon, nasa 28 na bansa na ang nasa travel ban list ng Pilipinas.

-Argyll Cyrus Geducos