SAN FRANCISCO – Bumawi ang Golden State Warriors sa bisitang Los Angeles Clippers sa impresibong come-from-behind 115-105 panalo nitong Biyernes (Sabado sa Manila).
Salawang gabi matapos malimitahan sa 5-for-17 shooting, hataw si two-time MVP Stephen Curry sa naisalpka na season-high siyam na three-pointers tungo sa kabuuang 38 puntos at season-high 11 assists.
Hindi alintana ang tinamong minor sprained sa kanang paa sa kanilang unang laro nitong Miyerkoles, ratsada ang All-Star guard para pamunuan ang matikas na pagbangon ng Warriors sa second period, tampok ang 18-2 run para tapyasin ang 22 puntos na kalamangan ng Clippers sa anim tungo sa final period.
Nanguna si Paul George sa Clippers sa naiskor na team-high 25 puntos, habang kumana si Kawhi Leonard ng 24 puntos.
CELTICS 116, WIZARDS 107
Sa Boston, nailista ng Celtics ang ika-apat na sunod na panalo nang pabagsakin ang Washington Wizards.
Nanguna si Jayson Tatum sa host team sa naitumpok na 32 puntos, habang nagsalansan si Jaylen Brown ng 27 puntos at 13 rebounds.
Kumubra si Bradley Beal sa Wizards sa naiskor na 41 puntos at walong rebounds.
ROCKETS 132, MAGIC 90
Sa Houston, ginapi ng Rockets, sa pangunguna ni Christian Wood na may 22 puntos at career-high 15 rebounds, ang Orlando Magic.
Ratsada ang Houston sa 29 puntos na bentahe sa halftime at nahila ang kalamangan sa 81-43 mula sa magkasunod na 3-pointers nina John Wall at P.J. Tucker.
KNICKS 101, THUNDER 89
Sa New York, naisalba ng Knicks ang malamyang simula para pahinain ang Oklahoma City Thunder.
Umiskor si Shai Gilgeous-Alexander ng 25 puntos, 10 rebounds at pitong assists, habang kumana si Hamidou Diallo ng season-high 23 puntos para sa New York,
Nanguna si Al Horford sa Thunder na may 15 puntos.
PISTONS 101, SUNS 105 (OT)
Sa Detroit, nalusutan ng Pistons, sa pangunguna ni Jerami Grant na may 31 puntos at 10 rebounds, ang Phoenix Suns sa overtime.
Kaagad na umiskor ng siyam na sunod ang Detroit sa extra session para siguruhin ang panalo. Naisalpak ni Mason Plumlee ang dunk para maitavla ang iskor sa 93-all may 9.6 segundo ang nalalabi. Sumablay ang jumper ni Devin Booker na nagpanalo sana sa Suns sa regulation.