Muling nakiusap ang pamunuan ng Archdiocese of Manila, sa pangunguna ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, sa mga deboto ng Poong Hesus Nazareno, na huwag dumagsa sa Quiapo church ngayong piyesta ng Black Nazarene upang maiwasan ang posibleng hawaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Binanggit ni Pabillo, sa halip na magtungo sa Quiapo ay mas mainam kung tatangkilin na lamang ng mga deboto ang mga handog na Novena Masses ng iba’t-ibang parokya para sa Kapistahan ng Poong Hesus Nazareno sa buong bansa.

Mag-aalay din aniya ng mga banal na misa ang mga Simbahan para sa kapistahan ng Poong Hesus Nazareno na maaring daluhan ng mga deboto upang hindi na dagsain ng mga itoang Quiapo Church na mayroon lamang din limitadong bilang ng mananampalataya na maaring makapasok.

“Mayroong mga misa sa iba’t ibang Simbahan at dito malapit po yung Simbahan ng San Sebastian, malapit ang Simbahan ng Santa Cruz nandyan din po yung San Lorenzo Ruiz sa Binondo at iba pang mga Simbahan na nagsasagawa rin ng pagmimisa para sa Poong Hesus Nazareno. Ang paki-usap ko sana sa mga deboto huwag lang tayong magdagsaan sa Basilica ng Quiapo kasi maraming mga Simbahan ang nagmimisa rin para sa Poong Nazareno…” panawagan ni Pabillo.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Kaugnay nito, inihayag ni Pabillo na ang pagmamahal kay Hesus ay naipapakita rin sa pamamagitan ng pagmamahal sa kapwa at pagkawanggawa.

Aniya, dapat mabatid ng mga deboto na bukod sa nakagawiang Traslacion na paraan ng pagpapahayag ng debosyon sa Mahal na Poong Hesus Nazareno ay maipapahayag rin ang pagmamahal sa kapwa sa pamamagitan ng pagtiyak ng kanilang kaligtasan mula sa COVID-19.

Tinukoy din ni Bishop Pabillo ang pagsunod ng mga magtutungo sa Quiapo Church sa minimum health protocols na ipinatutupad bilang pag-iingat mula sa pagkalat ng COVID-19 virus kabilang na ang pagsusuot ng facemask, face shield at pagtiyak ng physical distancing.

-Mary Ann Santiago