‘Di ko maipaliwanag ang aking naramdaman, sa ipinapalagay kong malaking kahihiyan na inabot ng Philippine National Police (PNP) sa utos ng Makati City Prosecutor’s Office, na pakawalan ang tatlong suspek na inaresto ng mga pulis kaugnay sa “Rape with Murder Case” ng 23-taong gulang na flight attendant na si Christine Angelica Dacera, na natagpuang patay sa bathtub ng isang hotel sa Makati noong New Year’s Day.
Sabi sa isang bahagi ng resolution na pirmado ni City Prosecutor Dindo G. Venturanza, na sa palagay ko’y dapat ikawala ng mukha ng mga imbestigador na nag-file ng kaso: “At this point, the pieces of evidence so far submitted are insufficient to establish that she was sexually assaulted or raped. And, if sexual /assault was committed, who is/are the person/persons responsible?”
Malaki ang respeto ko sa buong organisasyon ng PNP – sanay kasi akong palaging panalo ang mga kasong hinawakan ng mga kilala kong beteranong imbestigador – kaya sobrang nakalulungkot ito para sa akin.
Noong Lunes pa lang ay asiwa na ako sa narinig kong pag-anunsiyo ng Makati Police na “case closed” na ang imbestigasyon sa pagkamatay ni Dacera sa pagkakaaresto nila ng tatlo sa 11 suspek, na itinuturong kasama-sama ng biktima sa kanilang New Year’s Party sa City Garden Grand Hotel, kung saan natagpuang patay ang magandang flight stewardess. Agad nag-file ang mga imbestigador ng “rape with murder case” sa mga suspek – iyon ay kahit na “pinaghahanap” pa raw nila yung iba!
WOW – ‘di pa nga nai-established kung sino ang nang-rape at pumatay sa sinasabi nila na 11 mga suspek – solved na agad! Nagmamadali kasi sila na habulin yung 36 at 72 oras na palugit para sa mga pulis na kasuhan ang sinumang inaresto nila dahil pwede silang balikan ng mga ito at sampahan ng kasong “illegal detention”.
Lalo akong nadismaya nang makatanggap ako ng “private message” na may kasamang kopya ng Death Certificate at Medico-Legal report ng pagkamatay ni Dacera -- pirmado ito ni P/Maj. Michael Nick Sarmiento, medical officer ng Southern Police District (SPD) Crime Laboratory Office – at matay ko mang basahin ito nang paulit-ulit ay wala akong makita o mabasa na nagsasabing biktima si Dacera ng rape.
Ang malinaw na nakasulat dito na may bahaging naka-bold letters pa: “The cause of death ISCONSISTENT WITH RUPTURED AORTIC ANEURYSM”.
Ayon naman sa kaibigan kong doktor, magkaiba ang BRAIN ANEURYSM sa RUPTURED AORTIC ANEURYSM na sanhi ng pagkamatay ni Dacera. Yung una ay pagputok ng isang malaking ugat sa bahagi ng utak samantalang yung huli ay sa puso naman. Parehong natural causes ang dalawa, pero may tala sa ibang bansa na ang RUPTURED AORTIC ANEURYSM ay maaaring sanhi rin ng overdose sa droga na gaya ng cocaine.
Napapansin ko kasi na karamihan sa mga imbestigador sa ngayon – lalo na ‘yung mga nabatos pa lang – sobra ang paniwala na ang isang kaso na hawak nila ay maipagmamalaking CASE SOLVED na kapag nakapagsampa agad sila ng kaso, kesehodang ma-dismiss pa ito sa husgado. Ang importante raw kasi – may kinasuhan na sila! Oh ‘di ba ang laking katangahan nito?
Kaya ‘di ko mapigil na mapamura na naman nang malakas ng mabasa kong sinakyan ni CPNP General Debold Sinas ang pahayag ng Makati Police na -- “SOLVED” at “TINUTUGIS” na nito yung iba pang suspek.
Ani CPNP Sinas: “This is a fair warning. Surrender within seventy-two (72) hours or we will hunt you down using force if necessary.” Juice colored naman General Sinas! Ayan tuloy, bumalik ito sa mukha ng buong organisasyon!
Anyway, may itinakda namang preliminary investigation para rito sa Enero 13, 2021 ang Makati Prosecutor’s Office. Malaking pagkakataon na ito para mapatunayan at mailabas ng mga pulis ang ebidensiyang kailangan upang ganap na maihain ang ipinagdidiinan nilang “rape with murder case” sa suspek o mga suspek.
Ang nasisilip kong angulo rito, na sa palagay ko’y tinutumbok na ng mga imbestigador, ay kung sino ang naglagay ng misteriyosong droga sa ininom ni Dacera bago ito nahilo at nasalo ng isa nitong kasama. ABANGAN!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.