DADALO sa ipinatawag na pulong ng Samahang Basketball ng Pilipinas (SBP) ang 29 PBA players nakabilang sa kandidato para mapasama sa Gilas Pilipinas pool na sasabak sa FIBA Asia Cup qualifier third window na gaganapin sa Angeles City sa susunod na buwan.

Ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial, layunin ng nasabing pulong ang makuha ang saloobin ng mga players kung kinakailangan pa na magdaos ng bubble training.

Nais aniyang marinig ng SBP sa pangunguna ng pangulo nito na si Al Panlilio ang opinyon ng mga players hinggil sa panukalang training bubble.

Gustong paghandaang mabuti ng SBP ang muling pagtutuos ng Gilas at ng South Korea na mangyayari ng dalawang beses sa third window sa Pebrero 18 at 22 gayundin ang pagharap nilang muli sa Indonesia.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Hindi pa rin inilabas ng SBP ang listahan ng kanilang tinatawag na wish list para sa Gilas pool.

Gayunman, isa sa tiyak ng gusto nilang ibalik ang reigning six-time PBA MVP na si Junemar Fajardo ng San Miguel Beer na kamakailan lamang ay binigyan na ng go signal na makapaglaro ulit ng tanyag na orthopedic surgeon na si Dr. Raul Canlas matapos mahinto ng halos isang taon dahil sa tinamong broken shin injury.

At dahil malabo pa ang hinihintay nilang naturalization ni Ateneo Ivorian center Angelo Kouame, gustong makatiyak ng SBP na makapagbuo ng malakas na team para makatiyak ng panalo lalo pa’t isang malakas na team ang ipapadala ng Korea.

Balitang kabilang sa koponang isasabak ng mga Koreyano ang kanilang naturalized center na Ra Gun-ah o si dating Purefoods import sa PBA na si Ricardo Ratliffe.

-Marivic Awitan