Naniniwala si Health Secretary Francisco Duque III na malaki ang tiyansa na maaprubahan din sa Pilipinas ang paggamit ng saliva test para sa mas mura at mas mabilis na pagtukoy ng mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Duque, isinasailalim lang nila ito sa ngayon sa balidasyon upang matiyak na ang resulta ng naturang pagsusuri ay accurate at mayroong mataas na concordance rate o agreement sa swab test na siyang ginagamit ngayon sa bansa.
“The chances are big. It’s just undergoing validation. We just want to ascertain that the results are accurate and really with very high concordance rate or agreement with the swab way of collecting the specimen for our RT-PCR testing,” pahayag pa ng kalihim, sa panayam sa telebisyon.
Nauna rito, sinabi ng Philippine Red Cross (PRC) na natatagalan ang pamahalaan sa pag-apruba sa saliva test na nais sana nilang gamitin sa pagsusuri ng COVID-19 dahil mas mura at mas accurate ito.
Paliwanag ng PRC, sa sandaling magbigay na ng go signal ang pamahalaan ay maaari na nila itong gamitin at ialok sa publiko sa loob lamang ng isa o dalawang linggo.
“Kung mabigyan kaming formal agreement siguro in about one week or two weeks tapos ‘yan, gawa na kaagad ‘yan, aandar na ‘yan. Uunahin natin ang Metro Manila,” aniya pa.
Posibleng abutin lamang ng hanggang P2,000 o mas mababa pa ang halaga ng saliva test at mas mabilis ring makuha ang resulta nito, na maaaring abutin lamang ng tatlong oras.
Sang-ayon din naman si Pangulong Rodrigo Duterte na gamitin ito sa bansa.
-Mary Ann Santiago