‘Calam-bubble!’

SISIMULAN sa Sabado ang pagsasabay ng mga atletang sasabak sa Tokyo Olympics, gayundin ang mga naghahanda sa nalalabing qualifying tournament sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.

Pinayagan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang grupo ng mga atleta bilang pagtugon sa kanilang pangangailangan na makapaghanda sa nabinbin na Olympics na nakatakda sa Agosto sa Tokyo, Japan.

RAMIREZ

RAMIREZ

ALAMIN: Mga dapat malaman at gawin upang maging ligtas sa ‘tsunami’

Sa memorandum ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez, binigyan ng go-signal na magbalik ensayo ang mga atleta ng boxing (16), taekwondo (7) at karate (9).

“Our medical team already coordinated with all concerned individuals. The ‘safety and health’ protocol program is in place, pero hihigpitan pa rin natin para masiguro na walang makakalusot,” pahayag ni Ramirez.

Ayon kay PSC commissioner Ramon Fernandez, ang nasabing ‘Calam-bubble’ ay unang bahagi lamang ng training para sa national karate team, dahil pagkatapos nito ay magkakaroon sila ng training camp sa bansang Turkey.

"They're scheduled to fly to Turkey, Istanbul sometime as early as possible, hopefully by January. But they will go through bubble training first at the Inspire," ani Fernandez.

Mahalaga ang nasabing training camp sa Laguna para sa mga national athletes,  na karamihan ay hindi nakapagsanay ng maayos ng ilang buwan dahil sa COVID-19 pandemic kabilang na si world champion boxer Nesthy Petecio na maghahangad na makasungkit ng Olympic slot sa final qualifying tournament sa Paris sa Hunyo.

Sa kasalukuyan, tanging sina boxers Eumir Felix Marcial at Irish Magno, gymnast Carlos Yulo at pole vaulter OJ Obiena ang pasok sa quadrennial Games.  Marivic Awitan