Nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga biyahero na lumulusot sa airport at seaport personnel para makaiwas sa quarantine at testing requirements sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Sa public address nitong Lunes ng gabi, sinabi ng Pangulo na nakatanggap siya ng report na may mga taong nakalulusot sa mga awtoridad nang hindi nagko-comply sa testing at quarantine measures na kailangan para hindi kumalat ang COVID-19.
“Nakakalusot sila with the help of airport personnel at sa mga barko. I say this now as I have said it before: Do not do it kasi mayayari talaga kayo. You do it by allowing unauthorized travel when all of us are really worried of containing the contamination,” ayon sa Pangulo. Nagbabala ang Pangulo sa kahit na sinumang airport personnel na kaagad na maaalis o mare-reassign sa probinsiya kapag nahuling pinapayagan ang mga pasahero na makalusot na hindi nag-comply sa testing at quarantine measures.
“Kayong mga taga-airport, hindi ba ninyo nahalata na lahat ng Immigration personnel diyan, 42 of them at marami pang iba ang na-dismiss sa trabaho? Gusto ninyo, ulitin ko ‘yan?” ani Pangulong Duterte.
“‘Pag may nahuli lang ako na isa, lahat kayo, palitan ko. I will assign you to the provinces and I will get the new ones from [those] assigned in other cities. Magpalit kayo. Just once incident, tapos kayong lahat,” diin ng Pangulo.
-Beth Camia