NGAYONG araw, Enero 6, magtitipon ang United States Congress upang bilangin ang Electoral College votes na ipinadala ng bawat 50 estado ng America. Dalawang buwan na ang nakalipas mula nang idaos ang presidential election—noong Nobyembre 3—at ang electors na pinili ng mga botante ng bawat estado ay nagtipon noong Disyembre 14 sa mga state capitols upang bumoto para sa presidente at bise president ng bansa.
Ang naturang electors’ vote ang opisyal na bibilangin ngayong araw ng US Senate. Kasunod nito ay ipoproklama ng Kongreso ang mga nagwagi, na siyang hudyat ng pagwawakas ng mahabang proseso ng halalan sa US. Ang nagwagi ay manunumpa sa kanilang tungkulin sa Enero 20.
Ang mundo, kabilang ang Pilipinas, ay nakatutok sa mga kaganapan sa US sa nakalipas na mga buwan, dahil sa maraming rason. Una, karamihan sa mundo ay tinitingala ang US para sa pamumuno nito sa kalakaran ng mundo. Tayo sa Pilipinas ay may espesyal na rason, dahil ang ating sistemang politikal ay nakabase sa US.
Nakita natin ang pinagdaanan ng election system sa nakalipas na mga buwan, sa pagtanggi ng natalong kandidato, si reelectionist President Donald Trump ng Republican Party, na kilalanin ang ulat ng pagwawagi ng kanyang katunggali, si Joseph Biden ng Democratic Party.
Nagsampa pa ng legal na aksiyon ang kampo ni Trump sa ilang korte upang baguhin ang resulta ng eleksiyon sa ilang pivotal states tulad ng Pennsylvania, Georgia, at Arizona, ngunit lahat ay tinanggihan ng korte. Sa panibagong hakbang, ang mga karibal na electors ang pinili sa ilang estado. Ang huling hakbang na ilulunsad ng kampo ni Trump ngayong araw ay ang bilangin ng Senado ang mga rival electors’ votes sa halip na official state votes.
Isang kaso ang inihain sa Texas upang pilitin si Vice President Mike Pence, presiding officer of the Senate, na kilalanin ang non-official state electors. Kinontra ni Pence ang hakbang na ito at ibinasura ng isang federal judge sa Texas ang kaso.
Napabalitang pinagtibay ni President-elect Biden ang isang polisiya na huwag intindihin si Trump at ang ilang Republican officials na nakadikit pa rin dito.
Isang grupo ng pitong kasalukuyang Republican senators, ang nakiisa sa apat na senators-elect, na inanunsiyong gagawa sila ng huling hakbang para kay Trump kapag nagtipon ngayon ang Senado para sa opisyal na pagbilang ng electoral votes at iproklama ng Kongreso ang mga nagwagi sa eleksiyon.
Malamang na mabigo ang huling hakbang na ito, tulad ng iba pa. Ngunit nakatutok ang mundo, sa pagtataka kung paano nangyayari ang lahat ng ito sa US ngayon, sa malakas na tradisyon nito ng demokrasya ng malayang halalan at patas na laban.