MAG-IISANG taon na ang pananalasa ng COVID-19 pandemic. Mahigit na sa 80 milyon ang tinamaan ng misteryosong sakit na ito at malapit nang magdalawang milyon ang napapatay sa buong mundo. Umaasa ang mga tao na ngayong 2021, magkakaroon na ng mga bakuna kontra sa salot na ito.

Sa Pilipinas, sinisikap ng gobyern at ng Department of Health (DoH) na maiiwas ang mga Pilipino sa salot na itong hanggang ngayon ay kasalakuyan pa ring namiminsala bagamat may konting liwanag nang natatanaw ang mga mamamayan ng daigdig sa pagkakaroon ng bakuna na panlaban dito.

Sa pagpasok ng 2020 noong nakaraang taon, tigib ng pag-asa ang mga Pinoy na magiging maganda at masagana ang kanilang buhay. Akalain ninyo ang numerong 2020, pambihira. Sa larangan ng mga mata, ang ibig sabihin nito ay maliwanag na paningin, walang labo, malinaw at tanaw na tanaw ang malayo.

Pero, nagulat ang mga bansa sa mundo nang biglang sumulpot at dumaluhong ang coronavirus na galing sa Wuhan, China. Bigla at mabilis ang pagkalat ng karamdamang ito na napakarami nang buhay ang kinitil samantalang milyun-milyon pa ang may impeksiyon.

oOo

Batay sa impormasyong tinanggap ko, ang lalawigan ng Bulacan ay hindi rin nakaligtas sa lagim na dulot ng COVID-19 pandemic. May mga tinamaan ding Bulakenyo, salamat na lang at wala akong kamag-anak na naimpeksiyon ng peste.

Ayon sa mga taga-Bulacan, hindi naging sagabal sa Sangguniang Panalalawigan ng Bulacan sa pamumuno ni Vice Governor Wilhelmino M. Sy-Alvarado (ex-Governor) para hindi ituloy ang gampanin sa panahon ng pandemya. Noong Marso 2020 na idineklara ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang ECQ sa buong Luzon, kumilos ang Sanggunian upang ipasa ang mga ordinansa at resolusyon laban sa Covid-19 at iba.

Pinagtibay agad ng Sanggunian bago matapos ang taong 2020, ang 2021 budget ng Bulacan government na P6 bilyon upang magamit sa mahahalagang proyekto, programa. Ipinasiya ni Alvarado matapos ang Pasko na magdaos ng special session upang aprubahan ang mga hakbanging magbibigay ng benepisyo sa mga empleado ng pamahalaang panlalawigan at frontliners.

Kabilang dito ang approval ng pondo sa pagkakaloob ng Service Recognition Incentive (SRI) ng Special Risk Allowance (SRA) at Active Duty Hazard Pay (ADHP). Sa SRI, bibigyan ng insentibo ang lahat ng kawani maging regular, contractual at casual samantalang ang SRA at ADHP ay pagkakaloob sa mga empleyadong naglingkod at nangalaga sa COVID-19 patients ng probinsiya.

Maganda at kanais-nais ang performance ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan sa pamumuno ni Vice Gov. Sy-Alvarado, laluna ngayong umiiral pa ang COVID-19 pandemic. Sana raw ay lalong mabigyan ng biyaya ang mga Bulakenyo sa pamamagitan ng kooperasyon at pagkakaisa ng mga lider ng Bulacan mula kay Gov. Daniel Fernando hanggang sa lahat ng alkalde.

Kung ang lahat ng probinsiya sa Pilipinas ay magiging katulad ng Bulacan, natitiyak kong maaalpasan nating lahat ang mga hirap, parusa at sakit na dulot ng salot na COVID-19!

-Bert de Guzman