NATARANTA ang mga operatiba ng pamahalaan nang pumutok ang balita hinggil sa “online sexual exploitation” na pinasok ng ilang estudyante upang tustusan ang gastos sa kanilang pag-aaral – na kung tawagin ngayon ay “distance learning” -- na kailangan pang gamitan ng mamahaling gadget at internet connection.
Kani-kanyang press release ang mga ahensiya ng pamahalaan na kanilang tututukan ang operasyon laban sa “bago” raw na pamamaraang ito na ginagamit ng mga kababaihan, lalo na ‘yung mga estudyanteng gustong makatapos ng pag-aaral upang makaahon sa kahirapan.
Pangunahin sa mga ahensiyang ito ang Anti-Cybercrime Group ng Department of Justice (DoJ-ACG) at Philippine National Police (PNP-ACG) na nagpamalas ng pagkabahala sa bagong gimik na ito ng sexual exploitation ng mga batang babae.
Naungkat ito nang lumabas sa social media ang post ng Philippine Online Student Tambayan (POST), news portal para sa mga mag-aaral, na may mga estudyante umano na gumagamit ng hash tag na #AlterPH, #AlterPinay, at #AlterPhilippines para ibenta ang kanilang sex photos at videos. Pambili ito ng gamit sa kanilang “distance learning” na isinasagawa ngayong may pandemiya para iwas sa hawaan.
Nag-utos agad si CPNP Gen. Debold Sinas sa PNP-ACG na imbestigahan ang sinasabing “online sexual exploitation of children and minors in social media.”
Ani CPNP Sinas: “What we’ll do, we’ll task our cybercrime to monitor this one and maybe track and inform the parents or forward it to DSWD for professional intervention.”
Ganito rin halos ang naging pahayag ni Justice secretary Menardo Guevarra – na paiigtingin nito ang kanilang mga hakbang upang maipatigil na ang online sexual exploitation sa mga bata at menor-de-edad at upang ma-rescue ang mga mag-aaral na biktima nito.
Ani Secretary Guevarra: “As we await the passage of this legislation, the DOJ, through its office of cybercrime, and the NBI’s cybercrime division, will intensify its efforts to crack down on cybercrime and all forms of human trafficking through the internet, which are expected to rise during these times of limited physical movement and interaction.”
Maganda naman ang mga pagtugon na ito ng pamunuan ng dalawang ahensiya – kaya lang bigla kong naisip at naitanong sa sarili na: “Bago nga ba ang pamamaraang ito para kumita ng pera ang ilang kababaihan, lalo na ang mga menor de edad?” Ang tugon ko sa sarili kong tanong: “Bagong luma!”
Mukhang bago lang kasi “online” ang pagbebenta. Pero matagal ng panahon na ginagawa ito ng ilang kababayan natin upang makaahon sa hirap, sa pamamagitan nang pagtatapos sa pag-aaral. Hanggang ngayon – marami pa ring “nagbebenta ng aliw” para pantustos sa kanilang pag-aaral!
Dito na lang sa Quezon City, subukan n’yong mag-drive nang mabagal sa major roads, sa lugar na may kadiliman, at kapansin-pansin ang mga kumakaway na babae – karamihan bata, may mga may idad na rin ang iba, at ang ilan ay bading pa nga – na nagbebenta ng mga panandaliang aliw.
Ang sabi ng mga opisyal ng dalawang nabanggit kong ahensiya – PNP at DoJ – magssagawa sila ng mga “rescue” operations upang matigil na ang “online exploitation” na ito…Weh ‘di nga?
Apat na dekada akong naging police reporter, hanggang magretiro na lang ako, pero hanggang ngayon, yung mga kumakaway na babae sa mga gilid ng pangunahing kalsada sa buong Metro Manila, parang ‘di man lang nababawasan – yan pa kayang “online” na medyo may kahirapang matunton!
Sa palagay ko – kaya lang talagang mahirap na gawin – ay bigyan na lang ng “scholarship” ang mag-aaral na mahirap, kahit ‘di masyadong matalino basta talagang gustong makatapos, kapalit ng pagse-serbisyo publiko ng ilang taon kapag nakapagtapos na sila.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.