SA tuluyang pag-alis ng taong 2020 ipabaon natin dito ang lahat ng pasakit at pighating ating dinanas sa panahong ito, ngunit huwag kalilimutang pasayahin at pasiglahin naman ang ating puso’t kaluluwa sa pagpasok ng 2021, upang mapuno ito ng pagmamahal at pag-asa na magbibigay kulay sa ating pamumuhay sa darating na mga araw.
Isa sa natatandaan kong parati naming ginagawa ng aking Papa – halos sa buong unang isang linggo ng Enero – noong ako’y nasa elementarya pa lamang, ay ang tumingin sa kalangitan bago maghatinggabi, at malasin ang napakagandang paglalaro sa kalangitan ng mga bulalakaw o “shooting star”. Hindi ko na nga mabilang kung ilang bulalakaw ang aking nakita sa loob ng isang oras na pagtingala naming mag-ama.
Ang bilin ni Papa, habang pinanonood namin ang pagtatanghal na ito ng kalikasan, sa bawat pagsulpot ng bulalakaw ay huwag kong kalilimutang manalangin nang maikli, kasama ang munting kahilingan na gusto kong matupad para sa bagong pasok na taon. At ang pinakamahalaga sa lahat ng bilin niya – ang bawat hilingin ay dapat na sinasamahan ng pagsisikap upang madaling makamtan ang katuparan!
Sa totoo lang, ang bawat sandali, oras, at araw na magkasama kaming mag-ama noon sa panonood na ito ng mga shooting stars – natatandaan kong ginagawa namin ito tuwing unang linggo ng Enero kada taon – ay napakasaya ng aking kalooban, at punung-puno ang damdamin ko nang pag-asa na lahat ng aking kahilingan ay magkaka-totoo.
Madalas ay nakakamit ko naman ang aking mga hinihiling – marahil, dahil na rin sa pag-asang ibinigay sa akin ng mga “shooting star” kaya’t pinagsikapan kong maabot ang mga ito! Nakalulungkot lang dahil sa aking pagsabay sa pagmamadali ng mga tao sa pagdaloy ng +panahon – upang mabuhay ng marangya -- nakaligtaan kong i-share ang ginintuang karanasan na ito sa aking mga anak, pero ‘di pa naman siguro huli para sa aking mga apo. Naalala ko lamang ito nang mabasa ko ang isang balita hinggil sa phenomena na kung tawagin pala ng ating mga scientist ay “Quadrantid meteor shower” at kasalukuyan itong nagaganap sa kalangitan.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nagsimula ito nito lamang Biyernes at magtatapos sa Huwebes. Ang taunang Quadrantid meteor shower ay magiging aktibo mula Enero 1 hanggang Enero 7 at ang pinakamaraming “showers” ay nagaganap tuwing Enero 3 at 4 kada taon, kung saan makikita ang mga bulalakaw sa antas na hindi bababa sa 20 meteor bawat oras.
Ipinaliwanag ng PAGASA na ang “Quadrantid meteor shower” ay tumatama sa Earth atmosphere sa bilis na halos 40 kilometro bawat segundo.
Nabanggit din ng PAGASA na ang sikat na “Equilateral triangle” na kilala bilang “Winter triangle” ay tumataas pagkatapos nang paglubog ng araw ngayong Enero. Ito ay binubuo ng Betelgeuse, ang higanteng pulang bituin, at ang kilalang bituin ng sikat na Orion constellation; Sirius, ang pinakamaliwanag na bituin sa kalangitan ng Canis major constellation; at Procyon, ang pinakamaliwanag na bituin ng Canis minor constellation.
Upang ‘di kayo maligaw kung saan titingin sa kalangitan para mapanood ito – hanapin n’yo ang constellation na Big Dipper, sa hilagang-silangan, at dito guguhit ang mga bulalakaw.
Ang lahat ng ito – kung magkakasama ninyong panonoorin ng mga mahal sa buhay, ay nasisiguro kong magpapagaang sa inyong mabibigat na dalahin sa dibdib at magbibigay ng bagong pag-asa sa kapapasok na 2021.
Mamayang gabi na ang huling araw na mapapanood ang pinakamaraming “shooting stars” sa himpapawid – huwag n’yo itong palampasin, dahil ako, sisiguruhin kong mapanonood namin ito ng aking mga apo!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.