TULOY ang pagpapatupad ng mga bansa sa mundo ng mas pinahigpit na restriksyon bilang paglaban sa muling pag-usbong ng coronavirus, habang nag-alok na ng tulong ang European Union sa mga drug companies upang mapalawak ang vaccine production na magpapabuti sa distribution “bottlenecks”.
Mula sa local curfew, alcohol ban at complete lockdowns, tuloy ang pagsisikap ng mga pamahalaan upang maaksyunan ang lumulobong kaso.
Umabot na sa higit 1.8 milyong tao ang namatay dahil sa coronavirus sa buong mundo, mula nang una itong umusbong China noong Disyembre 2019, ayon sa datos na kinalap ng AFP.
Ngunit ikinatatakot ng mga eksperto na lalala pa ang sitwasyon, sa inaasahang paglobo ng kaso at mga pagkamatay matapos ang ilang linggong pagtitipon dahil a holidays.
Sinalakay ng French police ang isang lugar matapos daan-daang pasaway ang lumabag sa anti-COVID measures para sa New Year illegal rave.
Sa Bangkok, wala muna ang nightlife ng siyudad matapos ipagbawal ang pagbubukas ng mga bars, nightclubs at restaurant alcohol sales, bilang bahagi ng restriksyon na layong mapigilan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng coronavirus sa bansa.
Dalawang linggo ring isasara ang mga pampublikong paaralan sa Thai capital.
Isang outbreak nitong nakaraang buwan sa isang seafood market ang humantong sa muling pag-usbong ng virus sa Thailand, kung saan natukoy ang impeksyon sa 53 probinsiya.
Sa Tokyo, nanawagan na ang city governor nitong Sabado sa pamahalaan na magdeklara ng new state of emergency habang nakikipaglaban ang bansa sa third wave ng coronavirus, kung saan naitatala ang malaking bilang ng kaso.
VACCINE RACE
Ang paglobo ng bilang ng impeksyon sa mundo ay nangangahulugan ng pag-uunahan sa bakuna na inaasahang sasakop sa taong ito.
Gayunman, ang delay sa pagtanggap ng bakuna ay hindi na kasalanan ng European Union, ayon kay EU health commissioner Stella Kyriakides.
“The bottleneck at the moment is not the volume of orders but the worldwide shortage of production capacity,”giit ni Kyriakides.
Tutulong na, aniya, ang bloc sa mga drug companies sa pagsisikap na makapag-develop ng kandidatong bakuna.
“The situation will improve step by step.”
Nitong Sabado, isinagawa ng India ang nationwide drills para sa pagsisimula ng pinakamalaking coronavirus vaccination programmes sa buong mundo habang naghahanda ang drug regulator na aprubahan ang AstraZeneca-Oxford University shot.
Sa United States, nagiging balakid sa vaccination programme ang logistical problems, sa paglampas ng bansa sa 20 million kaso.
Sa Russia, sinabi ni Health Minister Mikhail Murashko na higit 800,000 tao sa bansa nito ang nakatanggap ng domestically produced Sputnik V vaccine at 1.5 million doses ang ipamamahagi sa buong Russia na may 147 million.
Binawi ng Kremlin ang pagpapatupad nito ng nationwide virus restrictions, at sa halip ay umasa sa mass vaccination drive na tatapos sa pandemic kasabay ng pagsalba sa naghihirap na ekonomiya mula sa panibagong lockdown.
Nahaharap naman ang France sa banta ng panibagong bugso ng COVID-19 infections, na muling pinalawig ang overnight curfew ng dalawang oras sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang malabanan ang virus.
‘WE HAD TO PARTY’
Ipinatupad ang bagong restriksyon sa France kasabay ng pagkaaresto ng pulisya sa higit 1,200 tao na dumalo sa isang illegal rave sa northwestern France na natapos makalipas ang dalawang araw na pagpa-party na umabot pa sa away.
Nasa 800 tao ang kinasuhan ng paglabag sa anti-virus measures, habang binigyang-diin ng regional health authority sa Brittany na “high risk of the spread of Covid-19”sa naturang event.
“We knew what we were risking… we had to party, for a year everything has been stuck,” pahayag ng isa revellers, 20-anyos na waitress.
Nitong Sabado, isang pagtitipon din ang sinalakay ng Spanish police malapit sa Barcelona, kung saan nasa 300 tao ang nagparty sa loob ng higit 40 oras.
Sangkot sa nasabing pagtitipon ang ilang footballers, kung saan tatanggap ng parusa sina Erik Lamela, Sergio Reguilon at Giovani Lo Celso ng Tottenham matapos makunan ng larawan na dumalo sa malaking pagtitipon.
Ang Norway, na isa sa may pinakamababang infection rates sa Europe, ay nagpatupad na ng Covid-19 tests sa pagpasok sa bansa, matapos matuklasan ang limang kaso ng new coronavirus variant na unang umusbong sa Britain.
Nasa 86 kaso naman ng bagong variant ang nakumpirma sa Denmark, na pinangangambahang higit na nakahahawa.
Naka-14 lockdown na ang Gibraltar na sakop ng Britain. Sinabi ni Chief Minister Fabian Picardo na “virus was spreading more quickly than we can control it”.
Pinalawig ng Greece hanggang Enero 10 ang dalawang buwang strict lockdown measures, na pansamantalang niluwagan nitong holidays.
Sa Lebanin, nagbabala na ang medics sa umaapaw na mga ospital dahil sa paglobo ng kaso.
Iba naman ang Australia, na naghahanda sa pagbubukas ng Sydney Opera House, unang beses mula nang isara noong Marso.
Agence France-Presse