NOONG Huwebes (Dec 31, 2020), nagdudumilat ang banner story ng isang English broadsheet: “ NBI to probe entry, use of unregistered vaccines.” Ito ay tungkol sa kontrobersiyal na pagpapaturok ng bakunang gawa sa China, ang Sinopharm, sa mga tauhan ng Presidential Security Group (PSG) at ilan umanong cabinet members.
Nagdudumilat din ang mga mata ng dalawa kong kaibigan--sina palabiro-sarkastiko-pilosopo at Senior jogger--- sa kanilang komento: “Totoo ba ito? Uusad ba o may mangyayari sa imbestigasyon kapag kapag nagsalita na ang Boss na sagot niya ito? O, lilinisin niya agad ang pangalan ni General Durante at iba pang may kinalaman sa bakuna kahit hindi pa nasisimulan o natatapos ang pagsisiyasat?”.
Sa balita, maliwanag na isinasaad na hindi ipupuwera ang PSG sa pagsisiyasat ng NBI tungkol sa “unauthorized distribution and administration of unregistered coronavirus vaccines.” Nilinaw ni Justice Sec. Menardo Guevarra na nag-utos sa imbestigasyon, na hindi lang magtutuon ang NBI sa mga security personnel ni Pres. Rodrigo Roa Duterte kundi maging sa iba pang aspeto at indibiduwal.
Una rito, nabatid na binakunahan ang mga miyembro ng PSG ng COVID vaccine na tinukoy ni Mano Digong na bakunang na-develop ng Chinese state-owned Sinopharm, nang hindi alam at aprubado ng Food and Drug Administration (FDA).
Sa kanyang utos sa NBI officer-in-charge Eric Distor noong Disyembre 28,2020, binanggit ang posibleng paglabag sa FDA Act, sa Consumer Act and the Medical Practice Act at iba pang batas. Sinabi ng FDA at ng Bureau of Customs (BoC) na mag-iimbestiga rin sila kung papaanong nakapasok sa bansa ang Sinopharm vaccine.
Naniniwala naman si Defense Sec. Delfin Lorenzana na ang mga bakuna na ginamit at itinurok sa PSG personnel ay “smuggled” o puslit. Aba, papaano ito nakalusot at nakapasok sa ‘Pinas nang hindi nalalaman ng BoC? Bulag ba, bingi at tanga ang mga opisyal at kawani ng Customs kung kaya nakapasok ang mga bakunang-Tsino na hindi nila namalayan?
Samantala, matatag si PSG Commander Brig. Gen. Jesus Durante III sa pagsasabing handa siyang humarap sa imbestigasyon, at inaako niya ang buong responsibilidad sa desisyon na bakunahan ang security detail ni PRRD. Kung maniniwala kayo kay Durante, sinabi niyang sila ang nag-request sa mga bakuna at sila-sila lang daw ang nagturok sa kani-kanilang mga braso. Pero, salungat dito ang mga eksperto at dalubhasa sa kalusugan. Dapat daw ay mga professional ang nag-aadminister sa bakuna. Hay, lalong gumugulo ang tabakuhan. Mahirap kasi ang magsinungaling, lalo lang nababaon at hindi nagiging kapani-paniwala.
Samantala, ngayong Bagong Taon ng 2021, sana ay magpakatotoo ang mga lider natin upang sila ay paniwalaan ng mga mamamayan. Dapat ay maging tapat sila sa tungkulin, sumusunod at gumagalang sa Constitution at ang laging isipin ay ang kapakanan at kabutihan ng bayan, at hindi ang isa o makapangyarihang indibidwal lamang!
-Bert de Guzman