Nanawagan ang isang senador sa Department of Justice (DOJ) Office of Cybercrime at sa Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group na sugpuin ang napaulat na pagbenta ng mga mag-aaral ng malalaswang video at larawan nila upang makalikom ng pantustos sa distance learning.
Sinabi ni Senator Win Gatchalian na batay sa ulat ng The Philippine Online Student Tambayan (POST), may mga mag-aaral na ginagamit ang mga hashtag na #AlterPH, #AlterPinay, at #AlterPhilippines sa Twitter upang makabenta ng mga malalaswang larawan at video na binansagang “Christmas Sale”.
Naiulat na ginagamit ng mga mag-aaral ang kanilang kinita upang makabili ng mga gadget at magbayad ng internet connection. May ilan din aniyang nagbebenta pa ng “Christmas bundle” na P150 na may mga lamang larawan na minsan ay ipinapakita ang mukha ng mga nagbebenta.
Mula Marso 1 hanggang Mayo 24, 2020, aabot sa 279,166 ang naitalang kaso ng online sexual exploitationof children (OSEC) sa Metro Manila, mas mataas nang halos tatlong daang (264) porsiyento mula sa halos walumpung libong kasong naitala sa parehong mga petsa noong nakaraaang taon.
Isinusulong din ni Gatchalian ang mas maigting na pagsugpo sa trafficking. Sa ilalim ng Senate Bill No.1794 na kanyang panukala, maaaring pahintulutan ng mga regional trial court ang mga law enforcers na magsagawa ng surveillance sa mga pinaghihinalaang sangkot sa trafficking. Sa ilalim din ng panukalang batas, ang mga internet service providers (ISPs) ay magkakaroon ng tungkulin na harangin ang ano mang uri ng child pornography.
-Leonel Abasola