CAMP DANGWA, Benguet – Kinondena ng Police Regional Office-Cordillera ang municipal councilor ng Dolores, Abra matapos na pagtulungan bugbugin ang isang pulis na sumita sa kanila sa curfew hours, nitong Biyernes ng gabi.

“The PROCOR condemns in the strongest term the said act of the elected official. We will not allow these things to happen, especially to our personnel who are working hard to keep our community safe,” pahayag ni Police Brig. Gen. R’win Pagkalinawan.

Ayon kay Pagkalinawan, inatasan na niya ang provincial director ng Abra Provincial Police Office (APPO) na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa naganap na insidente.

Sa paunang imbestigasyon ng APPO, inatake umano ni Dolores Councilor Russ Zapata at ng kasamahan nito si Patrolman Lowie Gie Itchon at tinangay ang kanyang issued firearm, makaraang pagsabihan na sila ay lumalabag sa curfew hours.

Probinsya

Lolang bibisita sa City Jail, timbog matapos mahulihan ng ilegal na droga

Nitong gabi ng Enero 1, sakay ng kanyang motorsiklo si Patrolman Phoebe Chumanao sa may Poblacion, Dolores, nang may sumisigaw sa kanya.

Dahil dito, bumuwelta ito at nakita niya ang dalawang lalaki, isa rito ay si Zapata at agad na pinaalalahanan nito kaugnay ng ipinaiiral na curfew hour sa lugar.

Gayunman, nagalit umano si Zapata at naghamon ito kasabay panduduro nito sa nasabing pulis.

Upang hindi na lumala ang sitwasyon ay umalis na lamang sa lugar si Chumanao at bumalik na sa Dolores Municipal Police Station.

Matapos ang ilang oras, bumalik si Chumanao sa pagpapatrulya sakay ng mobile patrol, kasama ni Itchon hanggang sa makita muli si Zapata at grupo nito na “pancitan” kaya pinaalalahanan na naman sila sa curfew.

Sa halip na umuwi, bigla umanong nagalit si Zapata at sinugod si Itchon at binugbog umano niya ito, kasama ang grupo nito.

Hindi pa nasiyahan, tinangay pa umano ng kasamahan ni Zapata na si Jong Jong Turqueza ang baril ng pulis.

Sinabi pa ni Pagkalinawan na inihahanda na ng Legal Service ng PRO-Cordillera ang isasampang kaso laban sa grupo ni Zapata.

-ZALDY COMANDA