Nakahanda ang liderato ng Kamara sa ilalim ni Speaker Lord Allan Velasco na ipaimbestiga ang walong kongresistang kasama sa listahan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na umano’y sangkot sa mga anomalyang proyekto ng pamahalaan.

Sinabi ni House Majority Leader Marting Romualdez, suportado ng House majority na binubuo ng 275 kongresista ang kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa kurapsiyon kung kaya payag sila na imbestigahan ang mga mambabatas upang madinig ang kanilang panig. May 300 kasapi ang Kapulungan.

Handa aniya ang walong kongresista na makiisa sa pagsisiyasat kung kaya tungkulin ng Department of Justice (DOJ) na bigyan ng tamang forum ang mga ito upang harapin ang mga nag-aakusa sa kanila.

Hiniling ni Romualdez kay Justice Secretary Menardo Guevarra na beripikahing mabuti kung alin sa mga alegasyon ang may batayan upang malaman kung alin ang “mere products of the imaginative minds of rival politicians.”

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

“Ayaw naming ang laban ng Pangulo sa kurapsiyon ay ma-sidetrack ng polluted sources na may kinalaman sa local partisan politics,” ayon kay Romualdez.

Sa panig ni Duterte, sinabing may presumption of innocence ang pagbanggit niya sa pangalan ng mga mambabatas at hindi isang indictment o kaya’y may kasalanan na sila.

Ang walong kongresista ay sina Reps. Angelina Tan (Quezon), Paul Daza (Northern Samar), Geraldine Roman (Bataan), Alyssa Sheena Tan (Isabela), Eric Yap (ACT-CIS Party-list), Alfred Vargas (Quezon City), Josephine Ramirez-Sato (Occidental Mindoro), at Deputy Speaker Henry Oaminal (Misamis Occidental). Ang ika-9 ay si ex-Ifugao Rep. Teddy Baguilat.

-Bert de Guzman