MAGULO sa kangkungan ngayon ‘ika nga. Nasorpresa ang Food and Drug Administration (FDA) at maging ang Department of Health (DoH) kung papaanong ang ilang opisyal ng Palasyo at mga kawal, partikular ang security personnel ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD), ay nabakunahan gayong wala pang permiso o approval ang FDA sa ano mang bakuna.
Maging ang Bureau of Customs (BoC) ay nagulat din kung papaanong naipuslit sa bansa ang mga bakuna na umano’y gawa sa China, ang Sinopharm. Hindi nila alam kung papaano. Batid ng mga tao na ang gayong mga bakuna ay dapat nakalagay sa napakalamig na storage kung kaya parang imposibleng hindi malaman ng Customs na ito ay makararating sa Pinas.
Mismong si Defense Sec. Delfin Lorenzana ang nagpahayag noong Martes na ang Sinopharm vaccines ay puslit o smuggled. Wow, papaano nga nitong naipuslit gayong may BoC ang Pilipinas na nagbabantay sa mga produkto, kargada at iba pang items?
Kinumpirma nina DILG Sec. Eduardo Ano at Army Chief Lt. Gen Cirilito Sobejana ang naganap na pagbabakuna sa mga sundalo matapos ihayag ito ni PRRD noong Sabado sa Malacanang kasama ang mga eksperto sa kalusugan.
Kinumpirma rin ni Brig. Gen. Jesus Durante, commander ng Presidential Security Group (PSG), na ang kanyang mga tauhan ay binakunahan upang maiiwas ang Pangulo na mahawa ng Covid-19. Hindi binanggit ng tatlong opisyal kung anong bakuna ang ginamit, pero sinabi ni presidential spokesman Harry Roque na ang bakuna ay Sinopharm vaccine. Ito raw ay donasyon lang ngunit hindi niya alam kung sino ang donor at anu-ano ang sirkumstansiya sa donasyon.
Noong Martes, sa isang online press briefing, sinabi ni FDA Director General Eric Domingo na inatasan niya ang regulatory enforcement ng ahensiya na gumawa ng imbestigasyon tungkol sa vaccination at papaano ito nangyari.
Inamin ni Domingo na siya ay nagulat sa balita ng pagbabakuna dahil wala pang inaaprubahan ang FDA ng alinmang candidate vaccines para gamitin sa mga Pinoy. Hindi niya masabi kung ano ang parusa sa mga taong nasa likod ng di-awtorisadong pagbabakuna ng Sinopharm vaccine.
Nalilito ang mga mamamayan sa mga isyu tungkol sa bakuna. Noong una, ibinunyag ni Foreign Affairs Sec. Teddy Locsin na nakatakdang dumating sa Pilipinas ang 20 milyong doses gawa ng Pfizer sa Enero 2021, pero may isang opisyal ng Malacanang ang “naglaglag” o “nag-dropped the ball” dito.
Dahil dito, napurnada ang maagang pagdating ng bakuna para sa mga Pinoy. Agad nagsalita si Sen. Panfilo Lacson at pinangalanan si Health Sec. Francisco Duque III na siyang “naglaglag sa supot ng mga bakuna” na dapat ay naririto na ngayong Enero. Itinanggi ito ni Duque.
Ngayon naman ay nagkakagulo matapos ihayag ni Mano Digong na may mga kawal at cabinet members na nabakunahan na. Habang sinusulat ko ito, hindi pa maliwanag ang isyu tungkol sa bakunahan na hindi naman aprubado ng FDA. Dr. Eric Domingo, basta magsalita ka lang at ilahad ang katotohanan!
-Bert de Guzman