Posible umanong masimulan ng Pilipinas ang pagbabakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Marso.
Binanggit ni Health Secretary Francisco Duque III na si vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. na aniya ang nagsabi na sa pagtatapos ng unang bahagi ng taong 2021 ay masimulan na nila ang pagbibigay ng COVID-19 vaccine sa mamamayan.
“According to our vaccine czar na si Sec. Galvez Jr., mga end of first quarter nitong taong 2021. Mga March hanggang mga second quarter ‘yan tapos tuloy-tuloy na daw ‘yan hanggang sa marating natin ‘yung 60 to 70 percent ng population kasi ang goal natin ay herd immunity.”
Nagpahayag naman ng kumpiyansa ang kalihim na hindi magkakaroon ng problema ang bansa sa sandaling simulan na ang pagbabakuna.
Paliwanag niya, kabilang sa mga inaasahang unang mabibigyan ng bakuna ay ang mga healthcare workers, matatanda, may sakit, mahihirap na pamilya, at mga uniformed personnel, tulad ng mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
-Mary Ann Santiago