NOONG una ay ‘di ko masakyan ang pahayag ni Senator Win Gatchalian na ang sektor ng edukasyon sa bansa ay nasa krisis sa ngayon, kaya’t kailangang-kailangan nito ng reporma sa kalidad ng edukasyon at training ng karamihan sa ating mga guro.
May pagka-negatibo pa nga ang dating nito sa akin, dahil kahit kayo marahil ay napapansin din ang kakaibang kakayahan ng mga paslit natin sa ngayon -- ke sa pribado o pampublikong paaralan pa ang pinapasukan ng mga ito, anak mayaman man o batang iskwater – ang tatas nilang magsalita ng wikang English, sa pagbabasa at comprehension, at maging sa pagpapaliwanag ng ilang “jigsaw puzzle” na mga aralin nila, na nungkang narinig ko noong ako’y nasa elementariya pa.
Yun lang - impluwensiya pala ito sa mga bata nang kinalolokohan nila na mga gadget – cellphone, tab, laptop at computer – na may YouTube, Facebook, Tiktok at iba pang application na naka-install sa mga ito. Pero hindi pa pala sapat ang mga ito para masabing “matatalino” na ang ating mga paslit.
Lumiwanag lang sa akin ang lahat at naintindihan ko ang ipinupunto rito ni Senator Win – isa sa nirerespeto kong mambabatas dahil sa malalalim na pang-unawa niya sa mga bagay na tinatalakay at magagaling na research staff – nang matunghayan ko ang binanggit niyang pagsasaliksik, na inilabas ng Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS) para sa taong 2019, na naging basehan ng kanyang “masakit sa tenga” na pahayag.
Ayon sa pag-aaral na ito ng TIMSS ay hindi lamang nahuhuli ang mga mag-aaral ng bansa pagdating sa Science at Mathematics, bagkus wala pa sa kalahati ng mga mag-aaral ng bansa na nasa Grade 4 ang natuturuan nang malinaw o may “high clarity” ng kanilang mga guro.
Para kay Senador Win Gatchalian, patunay lamang ito na kailangan ng reporma sa kalidad ng edukasyon at training ng ating mga guro -- sa kakulangan ng “instructional clarity” – kaya nga nasabi niyang “nasa ilalim ng isang krisis ang sektor ng edukasyon” sa bansa. Ang pinagbatayan nito ni Senator Win ay ang pagsusuri ng TIMSS sa mga sagot ng mga mag-aaral sa ilang tanong hinggil sa aspeto ng pagtuturo ng mga guro. Kabilang dito ang kakayahan ng mga guro na ipasagot ang kanilang mga tanong nang malinaw, maipaliwang nang husto ang mga aralin, magsagawa ng iba’t ibang hakbang upang matuto ang mga mag-aaral, at muling ipaliwanag ang mga araling hindi pa lubos na nauunawaan ng mga bata.
Ayon sa TIMSS, 48% lamang ng mga mag-aaral sa Grade 4 ang nagsabing ang pagtuturo sa kanila sa Math ay may “high clarity” o malinaw na malinaw; 37% ang nagsabing may “moderate clarity” o katamtamang linaw ang pagtuturo sa kanila; at 15% ang nagsabi ng may kaunting linaw o “low clarity.”
Pagdating naman sa Science, 48% rin ang nagsabing malinaw na malinaw ang pagtuturo sa kanila ng naturang subject; 36% ang nagsabi ng katamtamang linaw; 16% ang nagsabi ng kaunting linaw.
Ayon sa TIMSS, ang kalinawan nang pagtuturo ay naiuugnay sa matatas na marka sa Math at Science. Ang marka ng Pilipinas para sa Mathematics ay 297 at 249 para sa Science. Kulelat ito sa 58 bansang nakilahok sa naturang pagsusuri.
Ani Senator Win: “Kailangan nating ireporma ang buong proseso ng edukasyon at pagsasanay sa mga guro mula sa pag-aaral sa kolehiyo, pagkuha ng lisensiya, at pagtuturo sa mga pampublikong paaralan. Nasa ating mga pampublikong paaralan ang halos animnapung porsiyento ng ating mga mag-aaral, kaya kung hindi maayos ang performance ng ating mga pampublikong paaralan, apektado ang buong bansa.”
Kaya bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, inihain ni Senator Win ang Senate Bill No. 1887 o ang Teacher Education Council Act – na naglalayong “paigtingin ang ugnayan sa pagitan ng DepEd, Commission on Higher Education (CHED), at ng Professional Regulation Commission (PRC), upang i-angat ang kalidad ng edukasyon ng mga guro sa bansa.”
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.