SI Pangulong Emilio Aguinaldo ng Unang Republika ng Pilipinas, ang naglabas noong Disyembre 20, 1898 nang isang pasiya na nagtatalaga sa Disyembre 30 ng bawat taon bilang araw nang paggunita kay Jose Rizal at sa iba pang namatay sa Rebolusyon ng Pilipinas laban sa mga Espanyol.

Sa kasamaang-palad, hindi nagtagal ang Unang Republika, sa pagpasok ng Amerika, na nakikipaglaban noon sa isang pandaigdigang digmaan laban sa Espanya, sa Pilipinas kung saan tinalo ng puwersa ni Admiral George Dewey ang hukbo ng mga Espanyol sa labanan sa Manila Bay noong 1898, kahit panga nakikipaglaban din sina Aguinaldo sa puwersa ng Espanya sa bansa.

Kalaunan lumagda ang Espanya sa isang kasunduan sa Amerika kung saan isinuko nito ang Pilipinas, Cuba at Puerto Rico, isang pagbalewala sa Rebolusyong Pilipino ni Heneral Aguinald na nagsisimula nang magwagi laban sa puwersa ng Espanya. Sinundan ito ng Digmaang Pilipino-Amerikano ngunit nagwakas din ito nang mahuli si Aguinaldo ng tropa ng Amerika sa Palanan, Isabela, noong 1901.

Nakilala si Rizal bilang Pambansang Bayani ng Pilipinas bagamat walang batas na naipasa upang maging opisyal ito. Pinangunahan ni Bonifacio ang Rebolusyong Pilipino ngunit mataas ang pagkilala nito kay Rizal na pinangalanan niyang pangulong pandangal ng Katipunan. Noong 1921, kinilala ng Taft Commission sa ilalim ng bagong pamamahala ng Amerika ang Distrito ng Morong bilang Probinsiya ng Rizal, isang indikasyon ng kanilang mataas na pagkilala kay Jose Rizal.

Sa kasalukuyan mayroon ngayong 118 monumento ni Rizal sa Pilipinas, kasama ng mga monumento nito sa Spain, Germany, China, United States, Mexico, Peru, Czech Republic, at Singapore. Itinayo ang monument ni Rizal sa Luneta sa Maynila sa ilalim ng panukala na inaprubahan ng US Philippine Commission sa pahintulot ni President Theodore Roosevelt noong 1901 at pinasinayaan noong Disyembre 30, 1913. Nakalagak ang labi ni Rizal sa loob nito.

Noong 1994, binuo ni Pangulong Fidel V. Ramos ang National Heroes Committee upang pag-aralan, suriin at magrekomenda ng magiging mga pambansang bayani ng bansa. Noong 1995, inirekomenda ng komite ang siyam --Jose Rizal, Andres Bonifacio, Emilio Aguinaldo, Apolinario Mabini, Marcelo H del Pilar, Muhammad Dipatuan Kudarat, Juan Luna, Melchora Aquino, at Gabriela Silang. Gayunman, hindi nasundan ng anumang aksyon ang rekomendasyon, sa pangamba na umusbong ang mga debate hinggil sa mga kontrobersiyang nakapaloob sa ilang pambansang personalidad.

Hanggang sa ngayon, walang sinuman ang opisyal na kinilala bilang isang pambansang bayani ng Pilipinas. Ngunit si Jose Rizal ang kinokonsidera at tanggap ng nakararami bilang pinakamagiting na bayani ng bansa. Sa buhay, inilalarawan niya ang ideyal at aspirasyon ng mga Pilipino, partikular sa kanyang nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Sa pagkamatay nito, isa siyang martir sa Bagumbayan, na binitay sa pamamagitan ng sabayang pagbaril, sa lugar may isang daang metro ang layo sa hilaga-hilangkanluran ng kanyang monumento sa kasalukuyan.

Ito ang Rizal na ginugunita natin ngayon. Mayroon o wala man ang opisyal na batas ng pagkilala, tunay siyang pinakamagitang na bayani ng ating bansa.