Inaprubahan na ng Food and Drug Administration (FDA) ang Phase 3 clinical trial application ng Janssen COVID-19 vaccine, na pagmamay-ari ng Johnson & Johnson.

Nilinaw ni FDA Director General Eric Domingo na ang naturang pag-apruba ay hindi pa rin garantiya na makakakuha ang Pilipinas ng supply sa naturang bakuna dahil wala naman aniya silang ganitong hinihinging requirement sa pag-apruba ng clinical trials.

Sa kabila nito, siniguro ni Domingo na beneficial o magiging kapaki-pakinabang sa mga Pinoy ang naturang clinical trials ng Janssen pagdating sa pagpapabilis ng regulatory approval kung mapapatunayang epektibo nga ang naturang bakuna.

“If this turns out to be a good vaccine, it will be easier for us to make authorization,” ani Domingo.

Inabandonang bus sa Cebu City, naging drug den: 4 na tulak, timbog!

Una nang nakakuha ng pag-apruba mula sa Vaccine Experts Panel (VEP) at Ethics Review Board ang Janssen.

Ang VEP na nasa ilalim ng Department of Science and Technology (DOST) ang nagrerebyu sa Phase 1 at 2 clinical trials ng candidate vaccine habang ang Ethics Review Board naman ang nag-e-evaluate sa seleksiyon ng mga kalahok para sa human clinical trials.

Samantala, sinabi ni Domingo na nakabinbin pa ang aplikasyon ng Sinovac at Clover na kapwa bakuna rin sa COVID-19.

-Mary Ann Santiago