GINUGUNITA ng bansa ngayon ang ika-126 taong kamatayan ni Dr. Jose Rizal. Siya ang itinuturing na Pambansang Bayani ng Pilipinas. Si Rizal ay isinilang noong Hunyo 19,1861 at namatay noong Disyembre 30,1896. Binaril siya sa Bagumbayan, ngayon ay Luneta. Siya ay 35 anyos lang noon.
Si Rizal ang nagsabing “Nasa kabataan ang pag-asa ng bayan.” Sana ay magkatotoo ito. Sa panahon ngayong maraming kabataan ang nalululong sa mga bisyo, hindi kaya nagkamali si Rizal? Gayunman, marami pa ring kabataang Pilipino ang matitino, mapagmahal sa bayan at makatao.
Totoo ba ang pahayag ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) na may ilang indibiduwal at piling mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ang nabakunahan na ng vaccines na gawa sa China. Hindi pa aprubado ng Food and Drug Administration (FDA) ang mga bakuna na dinebelop sa China na ang pangulo ay BFF ng ating Presidente.
Noong Sabado, itinanong ni PRRD kung maaari pa siyang bakunahan uli kapag dumating na sa Pinas ang bakuna na gawa ng Pfizer. “Ako ang problema ko, for example lang, puwede ako magpabakuna ulit pagdating ng Pfizer mo.”?
Ang tanong ni Mano Digong ay para kay FDA director general Eric Domingo na kasama sa miting noon. Dahil dito, may nagsapantaha na siya ay nabakunahan na. Sinabi niya na ang Chine-developed vaccines ay “efficient enough” dahil sinimulan na ng China ang pagbabakuna sa milyun-milyong mamamayan nito.
“Sabihin ko sa iyo, marami na ang nagpa-injection dito sa Sinopharm,” dagdag pa niya kay Domingo sa ginanap na special meeting kasama ang IATF sa pamumuno ni vaccine czar Crlito Galvez Jr. at Health Sec. Francisco Duque III.
Ayon sa Pangulo, narinig niyang may mga sundalo ang nabakunahan na bagamat hindi pa lahat dahil hindi pa ito patakaran ng pamahalaan. Sinabi ni Domingo na nirerepaso ng ahensiya ang iba’t ibang bakuna, lalo na ang mga tumanggap ng awtorisasyon mula sa mga FDA ng kanilang mga gobyerno.
Sa pulong, sinabi ni Domingo na nagsagawa sila ng mga raid sa pinaghihinalaang mga lugar na isinasagawa ang pagbabakuna, partikular sa Binondo na bahagi ng Chinatown, pero wala silang nakita o kaya’y naaresto. Samakatwid, ang mga balita o haka-haka na may umiiral nang bakunahan sa Pilipinas ay hindi totoo.
Inihayag ni PRRD na tatlong retiradong general na kasapi ng kanyang gabinete ang ipababaril niya sa firing squad kapag nabigo ang gobyerno sa Covid-19 policies nito. Ang tinutukoy niya ay sina vaccine czar Carlito Galvez Jr., Defense Sec. Delfin Lorenzana at DILG Sec. Eduardo Ano, pawang retired generals. Marahil ay biro lang ang pagpapa-firing squad. Mapagbiro ang Pangulo. Lagi niyang pinupuri ang work ethics ng military officers. Mahal niya ang mga sundalo at pulis.
Ganito ang pahayag ng Pangulo: “I placed it in the hands of General Galvez. Iyo lahat yan. Pagka nagkabulilyaso yan, ikaw ang titirahin namin.” Sinabi ni Galvez na ang mga kontrata sa Pfizer at sa India-based manufacturer ay maaaring lagdaan sa Enero 2021. May inisyal na kasunduan din ang pamahalaan sa Moderna sa pagbili ng 20 milyong doses ng bakuna.
-Bert de Guzman