SINAKOP ng COVID-19 pandemic ang buong 2020 ngunit nasaksihan din ngayong taon ang pagkatalo ni President Donald Trump laban kay Joe Biden sa isang mainit na US election at ang Black Lives Matter movement na yumanig sa mundo.

Narito ang mahahalagang kaganapan ngayong taon:

PANANALASA NG VIRUS

Noong Enero 11, halos dalawang linggo matapos itong mag-alerto hinggil sa klaster ng kaso ng pneumonia “of unknown cause”, inanunsiyo ng Beijing ang unang pagkamatay mula sa sakit na nakilala bilang COVID-19.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Marso idineklara ang pandemya at nang sumunod na buwan kalahati ng mga tao sa mundo ang naka-lockdown sa pagkukumahog ng mga pamahalaan na mahinto ang pagkalat nito.

Malakang programa ng ayuda ang ipinatupad upang maisalba ang mga trabaho habang inihayag ng International Monetary Fund ang pagpasok ng recession, sa pagbagsak ng global na ekonomiya ng 4.4 porsiyento.

Nitong Nobyebre, inanunsiyo ng drug companies ang positibong resulta sa ilang bakuna habang nananalasa ang ikalawang bugso ng kaso ng virus sa mundo.

Sa loob ng isang buwan, naibigay ang unang shot ngunit pagsapit ng Pasko umabot na sa 1.7 milyong tao ang namatay, kung saan US ang pinakamatinding tinamaan.

IRANIAN ROULETTE

Napapigil ng hinga ang mundo matapos mamatay si top Iranian commander Qasem Soleimani sa isang US drone strike sa Iraq noong Enero 3, ilang araw matapos sugurin ng pro Iranian protesters ang embahada ng US sa Baghdad.

Gumanti ang Iran sa pagpapakawala ng sunod-sunod na missile sa mga base sa Iraq na nagkakanlong sa tropa ng US. Sa kaparehong araw, pinabagsak nito ang isang Ukrainian passenger plane “in error” matapos mag-take off sa Tehran, na kumitil ng 176 pasahero.

Muling umangat ang tensyon sa pagtatapos ng Nobyembre nang mapaslang ang top Iranian nuclear scientist Mohsen Fakhrizadeh, na isinisi ng Tehran sa Israel.

BREXIT

Britain ang unang bansa na kumalas sa European Union noong Enero 31 matapos ang 2016 Brexit referendum. Gayunman mabagal ang naging pag-usad hinggil sa pagtalakay ng relasyon sa hinaharap, sa paulit-ulit na paglipas ng deadline habang iniiwasan ng mga negosyador ang “hard Brexit” bago ang kasunduan nitong Bisperas ng Pasko.

Bagamat inihayag ni British Prime Minister Boris Johnson ang tagumpay, sinabi ni Scotland’s anti-Brexit leader Nicola Sturgeon na ang “future is an independent, European nation”.

KASUNDUAN NG US-TALIBAN

Lumagda sa isang kasunduan ang US at Taliban sa Doha noong Pebrero 29, kung saan lilisanin ng mga banyagang puwersa ang Afghanistan pagsapit ng 2021 matapos ang halos dalawang dekada ng digmaan.

Nagsimula ang negosasyon sa pagitan ng Afghan government at insurgents nitong September, ngunit patuloy ang gulo sa sunod-sunod na paglulunsad ng Taliban ng mga atake at pagpaslang sa mga kilalang personalidad.

Nakatakdang pauwiin ng Pentagon ang 2,000 hanggang 4,500 sundalo ng US sa Afghanistan pagsapit ng Enero 15, 2021.

PAGPATAY KAY GEORGE FLOYD

Ang pagpatay kay George Floyd, 46-anyos na African American, mula sa kamay ng mga white police officers noong Mayo 25 sa Minneapolis ay nagpausbong ng kabi-kabilang protesta sa iba’t ibang bahagi ng US at nagpasimula ng anti-racism rallies sa buong mundo.

Humantong ang Black Lives Matter movement sa isang malawakang debate hinggil sa lahi at nagpagiba sa mga imahe na may koneksyon sa slavery o kolonisasyon.

CLAMPDOWN SA HONG KONG

Noong Hunyo, isang taon makalipas ang malawakang bugso ng demostrasyon, ipinatupad ng China ang bagong security law sa Hong Kong na ayon sa oposisyon ay umaatake sa kalayaan ng semi-autonomous city, na ipinangako sa ilalim ng pagsasalin mula sa Britain noong 1997.

Pinatalsik, hinaras at inaresto ang mga pro-democracy lawmakers. Ngayong Disyembre, tatlong kilalang Hong Kong activists ang ikinulong kabilang si Joshua Wong.

PAGTINDIG NG MGA THAIS

Sinimulan ng mga estudyante sa Thailand ang pro-democracy protests noong Hulyo na nagpatuloy sa mga sumunod na buwan para sa panawagan sa isang bagong konstitusyon, reporma sa untouchable monarchy, at pagbaba sa puwesto ni Prime Minister Prayut Chan-O-Cha.

PAGSABOG SA BEIRUT

Isang malawak na pagsabog ang naganap noong Agosto 4 na halos bumura sa port ng Beirut at matinding puminsala sa kabisera, kung saan nasa higit 200 ang namatay at halos 6,500 ang nasugatan. Ang pagsabog mula sa malaking bilang ng nakaimbak na ammonium nitrate fertiliser ay nagpadapa sa naghihingalo nang ekonomiya ng Lebanon at kumuwestiyon sa kredibilidad ng pamahalaan nito.

SUNOG AT HURRICANES

Malalaking bushfires ang nanalasa sa bahagi ng Australia na nakilala bilang “Black Summer” habang Setyembre nang magising ang San Francisco at iba pang rehiyon sa American West Coast wake sa namumulang kalangitan sa pananalasa ng malawak na sunog.

Nobyembre, dalawang hurricanes ang nanalasa sa Central America, kung saan namatay ang 200 katao.

NAVALNY AFFAIR

Inilipad patungo ng Berlin si Kremlin critic Alexei Navalny dulot ng medically induced coma matapos ang malubhang pagkakasakit nang sumakay sa isang internal flight patungo ng Moscow.

Sa pagsusuri, lumabas na nilason si Navalny gamit ang Soviet-era nerve agent Novichok. Inakusahan ni Navalny si Russian President Vladimir Putin ng tangkang pagpatay sa kanya at kalaunan ay nagpalabas ng recording nang tila niloloko niya ang isang agent na responsable sa pagsasabing inilagay ang lason “in his underpants.”

KRISIS SA BELARUS

Nagdulot ng apat na buwang malawakang protesta ang kuwestiyunableng pagkapanalo ni Belarus strongman President Alexander Lukashenko noong Agosto 9 election. Nakasentro ang mga demostrasyon sa katunggali nito, ang political novice Svetlana Tikhanovskaya.

Ikinulong ang mga lider ng oposisyon.

BAGONG KAIBIGAN NG ISRAEL

Ninormalisa na ng United Arab Emirates at Bahrain ang ugnayan sa Israel noong Setyembre 15 habang kinokondena ng Palestinians ang hakbang bilang isang “stab in the back”.

Nang sumunod na buwan, inanunsiyo ni Donald Trump na sasamahan sila ng Sudan, habang Nobyembre isang hindi kumpirmading ulat ng sikretong pagbiyahe sa Saudi Arabia ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu ay nagpasiklab ng espekulasyon na nakatakda nang sumunod ang kingdom.

Sa isa pang ‘di inasahang pagkakataon, binuhay ng Morocco ang relasyon nito sa Israel noong Disyembre 10 kapalit ng pagkilala ng US sa inaangkin nito sa Western Sahara.

CHINA-US TENSIONS

Nakita ngayong 2020 ang higit pang pagbagsak ng relasyon sa pagitan ng US at China, kung saan tinawag ni Trump ang Covid-19 na “China virus” at sinabing ang Beijing ang responsable sa “mass worldwide killing”.

Nagtalo rin ang dalawa sa repression ng Turkic speaking Uighur minority sa Chinese region ng Xinjiang, gayundin sa ipinatupad na national security law sa Hong Kong.

PAGWAWAGI NI BIDEN LABAN KAY TRUMP

Makasaysayan ang naging pagboto ng malaking bilang ng mga botante sa Amerika sa ginanap na November presidential election sa pagitan ni outgoing Republican Donald Trump at Democrat Joe Biden.

Makalipas ang nakakakabang bilangan, nakuha ni Biden ang White House sa higit pitong milyong boto. Habang iginiit naman ni Trump ang dayaan nang walang ipinakikitang ebidensiya at nananatiling hindi tumatanggap ng pagkatalo.

NAGORNO-KARABAKH

Matinding sagupaan ang naganap sa Armenian-populated region ng Nagorno-Karabakh, na kumalas sa Azerbaijan matapos ang digmaan noong 1990s, na nagpatuloy ng 45 na araw.

Libu-libo ang namatay bago maselyuhan ang Kremlin-brokered peace deal noong Nobyembre 9, kung saan isinuko ng Armenians ang teritoryo sa puwersa ng Azerbaijan.

ETHIOPIA: TIGRAY CONFLICT

Ipinag-utos ni Ethiopian Prime Minister at Nobel Peace Prize winner Abiy Ahmed ang isang military response upang atakihin ang federal army camps sa northern Tigray region.

Ang Tigray People’s Liberation Front — na sumasakop sa pulitika ng Ethiopia sa nakalipas na tatlong dekada—ay itinanggi ang responsibilidad sa pag-atake at iniulat na isa itong pretext para sa isang “invasion”.

Nakubkob ng federal forces ang Tigrayan capital noong Nobyembre 28.

Agence France-Presse