NAKATUTULONG na matandaan ng mga tao ang simpleng tuntunin kung inihahayag ito sa simpleng direktang pahayag tulad ng “Mask. Hugas. Iwas.”
Nang simulan ng pamahalaan ang proseso ng unti-unting pagbuhay sa ekonomiya nitong Oktubre, sinamahan ito ng pribadong sektor gamit ang “Ingat Angat Tayong Lahat Campaign” tampok ang mga magkakaribal na produkto na sama-sama sa iisang commercials upang hikayatin ang mga tao sa simulan ang pagkain sa labas at pamimili, ngunit laging isabuhay ang minimum health at safety protocols.
Ilang opisyal ng pamahalaan ang naikisa sa paglulunsad ng kampanya, kabilang si presidential spokesman Harry Roque na ibinahaging inilunsad na rin ang pamahalaan ang “Ingat Buhay para sa Hanapbuhay” na may kaparehong layunin. Idinagdag pa niyang lumabas din si Pangulong Duterte sa isang commercial upang isulong ang mensahe na “Mask. Hugas. Iwas.”
Ngayong linggo inilunsad naman ng Health Professionals Alliance against COVID-19 (HPAAC) ang “APAT Dapat” campaign – na ang APAT ay kumakatawan sa “good Air circulation in meeting rooms, Physical distancing, Always wear a face mask, and Time for meetings limited to 30 minutes or less during the holiday season.”
“We hope to see our civil servants welcoming the new year reinvigorated and with a healthy body and mind so we can serve the Filipino public at our best,” pahayag ni Civil Service Commission Chairperson Alicia dela Rosa Bala sa pagpapahayag niya ng panawagan ng HPAAC na sundin ang “APAT Dapat” kung hindi maiwasan ang pagtitipon.
Ang mga nalalabing araw ng taon ay puno ng mga tradisyunal na pagtitipon para sa holidays—ang Simbang Gabi at misa sa Bisperas ng Pasko, pagsasama-sama ng pamilya para sa Noche Buena. Pinahintulutan ito ng pamahalaan, ngunit may limitasyon, kaya naman naisalba ang mahalagang panahong ito para sa Kristiyanong bansa.
Ngunit sa lahat ng mga pagtitipon, hindi natin dapat kalimutan na nananatili pa rin ang COVID-19 pandemic at ang tanging solusyon na mayroon tayo ngayon ay protektahan ang sarili gamit ang face masks at face shields, pagpapanatili ng distansya, at palaging paghuhugas ng kamay.
May bago at higit na nakamamatay na strain ng virus ang umusbong sa England, na nagtulak sa maraming bansa na isara ang kanilang borders sa mga maglalakbay na mula sa nasabing bansa. Nakaabot na ang bagong strain sa Singapore at umaasa tayong maiwasan ito. Umaasa rin tayo na makatatanggap na tayo ng bakuna na kailangan upang makapag-develop ng immunity mula sa COVID-19 ang ating mga tao.
Kaya kailangan ang “Mask, Hugas, Iwas.” At “APAT Dapat.” Sa nalalabing araw ng taon at sa mga susunod na buwan ng bagong taon, nasa kamay natin ang pangangalaga sa ating kalusugan at buhay.