SA kabila nang kritikal kong pananaw sa mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) nitong mga nakaraang araw -- dala ng pagkainis ko sa magkakasunod na kapalpakang ipinakita ng ilang pulis sa hanay nito -- ni sa hinagap ‘di ko akalain na makatatanggap ako ng kabutihang loob mula sa isang opisyal ng PNP, na ‘di ko pa nakadadaumpalad simula ng ako’y maging isang mamamahayag.
At ang ‘di inaasahang “tulong” ay natikman ng pamilya ko sa mismong araw ng Pasko, sa gitna nang nag-aapoy na sikat ng araw
sa isang ilang na kalsada sa Clark Freeport and Special Economic Zone (CFEZ) – mas kilala sa pinaikling Clark -- kung saan ako at ang “piloto kong bunso na si Noy, ay biglang itinirik ng aming sasakyan na napatiran ng clutch cable.
Halos dalawang oras na kami sa lugar – na walang dumaraang sasakyan – nang dumating ang ‘di inaasahang “rescuer” namin.
Convoy ng dalawang sasakyan - pero nang makita ko na may logo ng PNP at tatak na “GOD BLESS MABALACAT CITY POLICE” at sobrang tulin ng takbo, ‘di ko na inaasahang mapapansin kami ng mga ito.
Mga 10 metro na ang layo nito sa amin nang biglang gumilid at huminto, at bumaba ang dalawang unipormado at armadong pulis. Lumapit sa aming kotse at magalang na nagtanong: “Merry Christmas po…May maitutulong po ba kami at nasiraan po yata kayo ng sasakyan?”
Sinabi ko ang problema. Tumango lamang ang pulis at bumalik sa kanilang van at may kinausap. Dito bumaba ang isa pang pulis, na sa tingin ko ay isang opisyal at naka-camouflage na uniporme. Naalala ko: “Naka ‘red alert’ nga pala ang mga pulis ngayon dahil Pasko!”
Nang makita ng opisyal na may dalawang bata sa loob ng kotse, bakas agad sa mukha nito ang pag-aalala: “Mukhang kanina pa po kayo rito, kawawa ang mga bata sa sobrang init. Ipahila ko na lang po ang sasakyan n’yo hanggang doon sa gasolinahan sa labas ng Clark. Siguradong may mekaniko na po dun.”
Nilapitan ng opisyal ang dalawang bata, kinausap at inabutan ng pagkain at inumin, lalo na nang malaman nito na ‘di pa kami kumakain ng tanghalian.
Kung kami lang sanang mag-ama ay walang problema. Kayang-kaya namin ang matinding init sa katanghaliang tapat. Ang kaso, anim kami sa lakad na ito -- dalawang apo, ang nanay at lola – na siyang nagplano ng paglamiyerda sa isang pribadong resort sa Subic. Sawa na raw kasi ang dalawang apo sa fake na buhangin sa mga laruan sa mall na madalas nilang getaway kapag weekend.
Planado ang lahat, kumpleto sa sinusunod na protocol, upang makaiwas na mahawa sa kumakalat na COVID-19 sa lugar kung saan sana namin ipagdiriwang ang Kapaskuhan – ang hindi lang napaghadaan ay kung magka-aberya ang sasakyan sa kalsada, na siya ngang nangyari nang ‘di inaasahan!
Mabilis kumilos ang opisyal, isang tingin lang sa mga bata niya ay naggalawan agad para hatakin ang sirang kotse namin. Dito na dumating si Jess Malabanan, ang tanging kaibigan – mamamahayag din na naka base sa Central Luzon – na pinadalhan ko ng SOS.
Kahit Pasko ay dumating si Jess para sumaklolo sa akin, kasama si misis at kanyang driver – yun lang, naunahan siya nang matulungin na mga pulis na nagpapatrulya sa loob ng Clark!
Nagulat si Jess nang makita na may kausap akong opisyal, at ang unang reaksyon niya: “Magkakilala kayo ni COP?”
Pero mas nagulat ako nang malaman na ang “rescuer” namin ay mismong ang COP ng Mabalacat Police Station na si Lt. Col. Russel Cejas. Sumama si COP Cejas sa isang team niya sa nagpapatrulya sa Clark, at suwerteng nadaanan kami sa lugar na kinatitirikan ng aming sasakyan!
Ipinakilala ako ni Jess kay COP Cejas na isa sa mga reporter na nakasama niyang nag-cover sa Defense at PNP Beat noong Dekada 90.
Nang matapos ang ordeal at pauwi na kami, narinig ko ang naglalarong mga apo ko na ganito ang sinasabi: “Paglaki ko gusto ko rin maging pulis para mag-help din ako sa ibang tao!”
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.