Malaki ang posibilidad na ipairal muli ang lockdown sa Pilipinas sakaling magkaroon at makapasok sa bansa ang bagong variant ng coronavirus disease 2019.
Pagdidiin ni Pangulong Rodrigo Duterte, depende sa magiging sitwasyon ang pagbabalik sa lockdown ng mga lugar.
“Actually iyong lockdown is a possibility. I said we are making some projections. But if the severity in numbers would demand that we take corrective measures immediately then we’ll just have to go back to lockdown,” pahayag ni Duterte sa isang pagpupulong kasama ang mga miyembro ng Inter-Agency Task Force at mga health expert.
“Kapag marami na ang cases with the new variant and we do not have the antidote how to kill those variants, we have a problem there,” aniya.
Sinuportahan naman ni National Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pahayag ni Duterte at sinabing maaaring magpatupad ng mas mahigpit na lockdown.
“I think the IATF should put a threshold kung ilan araw-araw lumalabas na ano, then we might enforce again tighter lockdown. Kung bababa lang siya ng 2 or 3 below maybe… mag-usap tayo para sa threshold, para automatic lockdown tayo,” ani Lorenzana.
Ayon naman kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, hindi pa kailangan ng lockdown sa kasalukuyan.
“Right now, there is no necessity to call for a lockdown… But we have to close the border if there is a real situation that will occur later on,” pahayag nito.
Giit naman ni Secretary Carlito Galvez Jr., chief implementer ng pamahalaan sa COVID-19 response, kailangan ng “pro-active measures” upang maiwasan ang pagpasok ng bagong strain ng virus.
Kailangan aniyang huwag pahintulutan ng Department of Foreign Affairs ang mga Filipino sa UK na umuwi ng bansa.
Habang dapat namang tiyakin ng Department of Transportation na mapatutupad ang mas mahigpit na border control sa mga paliparan.
Nirekomenda rin nito ang “active surveillance” at “discreet investigation” ng mga militar at kapulisa sa mga nagbalik bansang Filipino mula UK na naunang dumating ng bansa bago pa natuklasan ang virus.
-Beth Camia